MASAYANG sinalubong ng mga residente ng Bahay Kalinga sa Baseco Compound, Port Area, Manila, nitong Sabado ng umaga ang grupo ni Partido Federal ng Pilipinas mayoral bet Atty. Alex Lopez.
Kasama ni Lopez ang runningmate na si Raymond Bagatsing at mga staff sa isinagawang medical mission dakong alas-8 ng umaga.
Ang aktibidad ay inorganisa nina Anna Payawal, chairperson of Life UK, Jaybee Gayoso ng Tingog Party-list, Home Lab, at APL Go.
Kabilang sa libreng serbisyong ipinagkaloob ng grupo ni Lopez, na kaalyado nina presidential frontrunner Bongbong Marcos Jr. at tandem nitong si Inday Sara Duterte, ang X-ray, ECG, blood test at medical check-up. Layunin nito na matulungan ang nasa halos 400 na residente sa Baseco.
Isa sa mga programang isusulong ng tambalang Lopez-Bagatsing ang pagpapabuti ng serbisyo ng mga ospital lalo na sa mga klinika sa iba’t ibang barangay o distrito sa lungsod.
Nais nilang magkaroon ang mga klinika ng regular free medical check-up at pamamahagi ng libreng bitamina, mga gamot para sa ubo, sipon, altapresyon, at diabetes.
Nauna rito, namahagi si Lopez ng tig-limang kilong bigas sa mga residente sa tatlong barangay sa Tambunting St., Sta. Cruz, Manila. Tinatayang 1800 katao ang nabiyayaan ng ayuda.
Patuloy sa kanyang pamumudmod ng ayuda sa Distrito 3 si Lopez ngayong nananatili ang banta ng pandemya sa bansa.
Noong Sabado rin ay inendorso ni Manila 6th district Congresswoman Sandy Ocampo ang buong Team Pagbabago ni Lopez sa Punta, Sta. Ana.
Nagpasalamat naman si Lopez sa mainit na pagtanggap sa kanilang grupo ng mga taga Punta, Sta. Ana. (RENE CRISOSTOMO/JULIET PACOT)
199 