DUDA si Atty. Glen Chong na posibleng gagamitin sa dayaan sa darating na May 9, 2022 national and local elections ang naimprentang 5.2 milyong depektibong balota ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Chong, inamin ng Comelec na may 5.2 milyong depektibong balota silang naimprenta.
Napag-alaman niya na sa pinakahuling natanggap niyang report, nakapag-imprenta na ng 49.9 milyong balota ang Comelec nang walang public observer.
Sa 49.9 milyong balotang naimprenta ay 37.1 milyong balota na ang na-verify at 31.9 milyon nito ang good ballots, at 5.2 milyon ang depektibo.
Sinabi pa ng abogado na sa laki ng 5.2 milyong depektibong balota, lumalabas na 1 sa 7 nitong naimprenta ay depektibo.
Batay naman sa paliwanag ng Comelec, kaya raw umabot ng 5.2 milyon ang depektibong balota ay dahil bago ang kanilang mga makina.
Masyadong mababaw ang dahilan ng Comelec na bago ang kanilang mga makina kaya ganun karami ang mga depektibong balotang naimprenta.
Ginagawa n’yo namang bobo ang mga Pinoy, sa dinami-dami ng depektibo ganyan lang ang sasabihin ninyo.
Hindi na naniniwala sa inyong mga palusot ang taumbayan.
Mas lalong hindi naniniwala sa inyo si Chong dahil abogado ‘yung mama.
Pinuna rin ni Atty. Chong, kung bakit walang public observer habang iniimprenta ang nasabing mga balota. Bakit para makalusot kayo? Ingat-ingat din ‘pag may time, alalahanin n’yo sa inyo ngayon nakatutok ang milyun-milyong mga Pilipino.
Maghunos-dili kayo mga taga Comelec, dahil minsan nang pinagdudahan ng taumbayan ang resulta noong eleksyon 2016 sa labanan nina BBM at Robredo.
Ayaw na nilang maulit ‘yan sa darating na May 9 national and local elections.
Ayon sa mga nakapanayam ng PUNA, hindi na sila makapapayag na muling madaya si BBM.
Hindi sana aabot ng 5.2 milyon ang depektibong balota kung may public observer na pinayagan ang Comelec habang iniimprenta ang mga balota dahil nave-verify sana ang mga ‘yan.
Kung naipadala ang 5.2 milyong depektibong balota na ‘yan sa Region 1, 2 at National Capital Region (NCR) na pawang mga balwarte ni Bongbong kahit na nananatiling mataas (60%) sa survey si BBM, ay malaking kabawasan ito sa kanyang boto.
“Kinakailangan magpaliwanag ang Comelec at sabihin nila sa publiko kung para saang mga region ang 5.2 milyong balota para malaman kung may gagawin na naman silang magic,” ani Chong.
“Ang sindikato na nandaya kay BBM noong 2016 election ay siya rin ang kumikilos nito ngayon para muling madaya siya,” pagdidiin pa ni Atty. Chong.
Ayon pa sa kanya, dahil sa 5.2 milyong depektibong balota ay dapat managot ang Comelec.
Sa pangyayaring ito, hinikayat ni Atty. Chong ang taumbayan na ikural o ibakod at bantayan ang lahat ng aktibidad ng Comelec para hindi ito makagawa ng last minute magic.
Kabilang sa mga dapat bantayan ay ang replication ng SD card, araw ng pag-transmit ng resulta hanggang sa kanilang 3 data centers.
“Kung ito ay pandaraya, itong mga depektibong ballots, hindi po ito last minute, prepared pandaraya po ito, ‘wag po nating hayaang muling madaya ang ating kandidato,.” pahayag pa ni Chong.
Naniniwala si Chong na minsan nang nadaya si BBM nang tumakbo itong vice president noong 2016.
Kaya nanawagan siya sa mga sumusuporta kay BBM na tumulong sa pagbabantay sa Comelec para matiyak na walang magaganap na hindi kanais-nais sa darating eleksyon.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
