MAGANDANG araw mga ka-Saksi at mga kabayaning OFWs!
Madaling araw pa lang ay pinilahan na ang walk-in courtesy lane para sa passport renewal sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa Aseana, Parañaque City.
Ito na ang ikaapat na araw mula nang buksan ang passport walk-in courtesy lane sa naturang consular office.
Karamihan sa mga pumila rito ay mga senior citizen, may maliliit na anak, solo parents, at overseas Filipino workers (OFWs) na sinamantala ang muling pagbubukas ng courtesy lane, na mas madali aniya kumpara sa pagpapa-schedule online.
Hanggang 300 walk-in applicants lang ang kayang i-accommodate kada araw sa DFA Aseana.
Mahigpit naman ang screening, kung saan bago makapasok ay may contact tracing form na kailangang sagutan ng mga aplikante, at sinusuri kung kwalipikado ba ito para sa courtesy lane.
Kabilang sa maaaring gumamit ng walk-in courtesy lane ang: senior citizens, mga buntis, solo parents, PWDs, mga batang edad 7 taon pababa at OFWs na may valid Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) E-card, valid employment contract, work visa o seafarer’s book.
Ang mga OFW at seafarer naman na may incoming o active employment sa abroad ay kinakailangan na magpakita ng sumusunod na requirements.
• valid Overseas Workers Welfare Administration E-card
• valid employment contract
• valid work visa
• seafarer’s identification and record book (SIRB)
Hindi naman kwalipikado rito ang mga first time OFW na kailangan pa ring magpa-appointment online.
Ang eligible applicants ay pinagdadala ng vaccination card o certificate para sila makapasok sa DFA. Habang ang “unvaccinated and partially-vaccinated applicants” ay hindi muna pagseserbisyuhan, ayon kay DFA Usec. Brigido Dulay, Jr.
Paglilinaw rin ng DFA, hindi sila tatanggap ng walk-in applicants sa Temporary Off-Site Passport Services (TOPS).
Para ‘di naman maabala, pinayuhan pa ng DFA ang mga kababayan natin na siguruhin munang nakasunod sila sa mga kailangang kwalipikasyon sa pag-apply ng passport para sa courtesy lane.
Pinapupurihan natin si Foreign Affairs Secretary Teodoro “Teddy Boy” Locsin dahil sa kanyang pamamahala lang nangyari ito na ang vulnerable sectors ng ating lipunan ay prayoridad sa serbisyo ng DFA.
Kung dati, ang inaasikaso lang ng DFA sa kanilang passport courtesy lane ay government officials, employees at mga ka-pamilya nila, ipinatutupad na rin ang nasabing serbisyo sa lahat ng consular offices sa bansa, simula Marso 16, 2022.
Tama lang ang naging hakbang ni Secretary Locsin dahil ang mga mapagsamantalang Pinoy ay ginagawa pang negosyo ang pagkuha ng pasaporte sa DFA.
Layon ng hakbang na ito ng kalihim na matugunan ng ahensya ang lumolobong pangangailangan sa walk-in applications sa courtesy lane.
Good News!
Lumago pa sa 2.5% ang cash remittances ng overseas Filipinos noong Enero na naitala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Lumago ng 2.5 percent noong Enero ang cash remittances ng mga Overseas Filipinos na dumaan sa mga bangko.
Ang cash remittances ay umabot sa halagang $2.688 billion mula sa $2.603 billion sa kaparehas na buwan noong 2021.
Ang OF mula sa Estados Unidos, Japan at Singapore ang may pinakamaraming naipadalang pera sa Pilipinas noong Enero 2022.
Para sa inyong mga reklamo, komento, opinyon at suhestiyon, mag-email lang sa dzrh21@gmail.com.
330
