JEEP TUMALON SA BANGIN, 24 SUGATAN

BATANGAS – Umabot sa 24 kataong magkakaanak ang sugatan kabilang ang driver, matapos na mahulog sa may 10 talampakang lalim na bangin ang sinasakyan nilang inarkilang pampasaherong jeep sa Barangay Natipuan, sa bayan ng Nasugbu sa lalawigang ito, dakong ala-1:40 ng hapon noong Sabado.

Ayon sa Nasugbu Police, paahon ang jeep na minamaneho ni Dominador Paulino, sa matarik na bahagi ng kalsada nang magkaroon ito ng mechanical failure at mabilis itong umatras hanggang sa bumangga sa concrete barrier bago tuluyang nahulog sa bangin.

Sa lakas ng impact ay bumaliktad ang nasabing jeepney na nagresulta sa pagkakasugat ng mga pasahero at driver nito.

Pinakabata sa mga nasugatan ang dalawang taong gulang na batang lalaki habang pinakamatanda naman ang 71-anyos na si Lolo Dionito Guillermo.

Ang ilan sa mga sakay ng jeep ay maliliit pang mga batang edad dalawa hanggang walong taong gulang.

Galing sa outing ang magkakaanak na pauwi na ng Silang, Cavite nang mangyari ang insidente.

Lumalabas sa imbestigasyon na overloaded ang nasabing jeep na ayon sa mga opisyal ay isa sa mga dahilan kung bakit nahirapan ito sa pag-ahon.

Dinala sa Jabez Medical Center at Apacible Memorial Hospital ang nasugatang mga biktima, kabilang na ang driver ng jeep na dumanas ng collar bone fracture. (NILOU DEL CARMEN)

127

Related posts

Leave a Comment