IBAYONG PAG-IINGAT LABAN SA MGA SCAMMER NGAYONG ELEKSYON

MARAMING mga empleyado ang naapektuhan ang trabaho matapos ang pansamantalang pagsasara ng ilang mga negosyo at industriya sa buong mundo upang labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa Pilipinas lamang, halos dalawang taon tayong nagtiis sa loob ng ating mga tahanan dahil sa sunod-sunod na mga lockdown na ipinatupad alang-alang sa ating kaligtasan upang hindi tayo mahawaan ng makamandag na virus.

Maraming negosyo rin ang nagsimulang magbenta online upang makabangon sa epekto ng pandemya. Kaakibat nito ay ang pagtaas ng bilang ng mga krimen sa internet dahil na rin sa mas mahabang oras na pagbabad ng mga tao gamit ang internet upang labanan ang inip.

Base sa datos ng Office of Cybercrime ng Department of Justice, lumobo sa 2.8 milyon ang bilang ng cyber tip reports noong nakaraan taon lamang mula sa 1.2 milyon noong 2020 at 400,000 noong 2019. Sa naturang datos, ang pinakamalaking ­porsyento nito ay kinabibilangan ng fraud, sexual abuse, exploitation, ­bullying, at identity theft.

Sa usaping cyber fraud lamang, ayon sa pagtatantiya ng Bankers Association of the ­Philippines ay tinatayang nasa P1 bilyon ang nakulimbat ng ­cyberscammers noong naka­raang taon.

Mismong ang batikang abogado na si Atty. Vic Rodriguez—tagapagsalita ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. o BBM—ay nagbabala na rin sa mga manloloko dahil sa ilang mga indibidwal na ­gumagamit ng kanyang pangalan upang manghingi ng pera.

Ayon kay Atty. Vic, kailanman ay hindi siya nanghingi, o nagbigay pahintulot sa kaninuman, upang manghingi ng pera o pondo para sa pangangampanya, disaster relief operations, at kahit anong layunin.

Bagama’t nahuli na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y con artist, pina­alalahanan pa rin ang publiko na sana’y magsilbi itong babala upang paigtingin ang pag-iingat laban sa mga manloloko.

Nagiging mas wais na ang mga indibidwal ngayon, gayundin ang scammers at cybercrime ­attackers upang makapanlinlang ng mga ­kapwa para sa mas madaliang kita ng pera.

Lalo ngayong panahon ng kampanya, marahil ay napaka­rami pa ring mga indibidwal ngayon ang nagkalat upang makapanlinlang sa pamamagitan ng paghingi ng mga umano’y pondo para sa kampanya ng ating ibobotong mga kandidato.

Paigtingin ang pagiging wais hindi lamang ngayong eleksyon kundi araw-araw. Maging mapanuri sa bawat galaw ng mga hindi natin kilala at siyasating mabuti ang mga impormasyon na ating nababasa sa internet bago pa man natin pindutin ang kahit anong click button.

Huwag ipagsawalang-bahala ang mga impormasyong natatanggap natin sa text, email, o ating social media accounts, at palaging basahin ang mga pagpapayo ng mga kompanya at mga bangko upang ­mabigyan tayo ng ideya kung paano tayo mas makakapag-ingat at makakaiwas sa kahit anong mga scam.

Kung tayo naman ay hindi sigurado sa ating mga natatanggap na advisory, pinakamainam ang pagtawag sa official hotline number ng mga institusyon, kumpanya o tanggapang opisyal upang kumpirmahin ang mga impormasyon.

186

Related posts

Leave a Comment