PULIS NA GUILTY SA KASO MID-YEAR BONUS TABLADO

WALANG matatanggap na mid-year bonus ang lahat ng pulis na nahatulan sa mga kasong administratibo at criminal.

Pahayag ito ni Philippine National Police (PNP) Officer in Charge Ltgen Vicente Danao Jr., matapos i-release ang P7.3 bilyong alokasyon para sa mid-year bonus ng mahigit 222 libong tauhan ng pambansang pulisya.

Ang nasabing halaga ay mula sa regular appropriation ng budget ng PNP para sa taong kasalukuyan.

Nilinaw ni Lt Gen. Danao na hindi kasama sa mabibigyan ng bonus ang mga tauhan nila na nahatulan ng “guilty” sa administratibo o kriminal na kaso saklaw ng fiscal year 2022.

Ayon kay PNP Finance Service Director, BGen. Jose Melencio Nartatez Jr., diretsong matatanggap sa Mayo 17 ng kanilang mga tauhan ang bonus sa kanilang Landbank accounts ay ito ay katumbas ng isang buwang “basic pay”.

Subalit nilinaw nito na ang bonus na higit P90,000 ay papatawan ng withholding tax batay sa Tax Reform Acceleration and Inclusion o (TRAIN) Law. (JESSE KABEL)

174

Related posts

Leave a Comment