MAGKAANGKAS, SUGATAN SA MOTOR VS MINIBUS

CAVITE – Kapwa inoobserbahan sa ospital ang magkaangkas sa isang motorsiklo nang sumalpok ang kanilang sasakyan sa isang pampasaherong minibus sa bayan ng Kawit sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.

Nilalapatan ng lunas sa San Pedro Calungsod Hospital ang mga biktimang sina Jocel Salazar Ledesma, 31, ng Brgy. Julugan 1, Tanza, Cavite, at Maria Yzzele Cargullo y Vejerano, 29, ng San Rafael 3, Noveleta, Cavite.

Kinilala naman ang driver ng Isuzu minibus na may plakang DXE 303 na si Leonardo Balla Buen, 63, ng Brgy. Salcedo 2, Noveleta, Cavite.

Ayon sa ulat ni Pat. Troadio Balitaosan ng Kawit Police Statio, base sa close circuit television (CCTV) sa lugar, minamaneho ni Ledesma ang kanyang motorsiklong Yamaha Nmax na may plakang 145DNQ at nakaangkas sa kanya si Cargullo habang binabagtas ang kahabaan ng Tirona Highway sakop ng Brgy. Panamitan, Kawit Cavite patungo sa direksyon ng Manila dakong alas-8:45 kamakalawa ng gabi.

Ngunit sa kasamaang palad ay bumangga ito sa minibus na minamaneho ni Buen na patungo naman sa direksyon ng Noveleta.

Kapwa malubhang nasugatan sa insidente ang mga biktimang isinugod sa ospital. SIGFRED ADSUARA)

187

Related posts

Leave a Comment