UNA sa lahat ay ibig kong magpasalamat kay Atty. Vic Rodriguez na aming presidente at publisher ng pahayagang Saksi Ngayon sa muling pagbibigay sa akin ng pagkakataon na muling makapagsulat sa aking kolum.
Noon tayo ay nagsimulang mangampanya ay pansamantala tayong huminto sa pagsusulat bilang pagsunod sa alituntunin ng COMELEC para sa patas na pagkakampanya. Kaya maraming mga kaso at sumbong ng OFW ang hindi natin nabigyan ng puwang sa ating pahayagan.
Ngunit bago tayo magsimula sa pagbibigay daan sa mga hinaing at sumbong ng ating mga OFW ay hayaan po muna ninyo ako ay magbigay opinyon o suhestiyon ukol sa napipintong mga bagong ilalagay na kalihim sa iba’t ibang departamento.
Kamakailan ay naibalita na ang ilan sa napiling mga bagong kalihim ay kinabibilangan ni Vice President-Elect Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education, at ng dating MMDA Chairman Benhur Abalos bilang kalihim ng DILG.
Bukod dito ay lumutang ang iba pang pangalan na kinabibilangan ni dating Undersecretary Susan “Toots” Ople para maging kalihim ng Department of Labor & Employment (DOLE).
Sa aking pananaw ay mas nababagay si Usec. Toots Ople na maging kalihim ng bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW). Bagaman hindi siya naging OFW, ngunit mas malawak ang kanyang kaalaman at kasanayan sa usaping may kinalaman sa mga OFW bilang pinuno ng Ople Policy Center na naging daan sa maraming pagbabago sa patakaran at batas para sa kapakanan at karapatan ng ating mga OFW.
Noong panahon na binabalangkas pa lamang ang panukalang batas para sa pagtatag ng DMW, ay kabilang si Usec. Ople sa aking inimbitahan sa aking inorganisang consultative meeting na ginanap sa conference hall ng OWWA na dinaluhan ng maraming OFW leaders at mga dating opisyal kabilang si Usec. Atty. Josephus Jimenez, former Representative John Bertiz at Atty. Roy Señeres.
Napakaraming mga panukala na magbibigay proteksyon sa mga OFW na naibahagi ni Usec. Ople ang naisama sa aming ipinasang position paper sa Kongreso at karamihan dito ay nailagay sa Republic Act 11641 o Department of Migrant Workers Act.
Kung kaya naniniwala ako na mas magiging epektibo ang pamamahala sa Department of Migrant Workers kung ito ay ipagkakatiwala kay Usec. Toots Ople. Kabisadong-kabisado ni Ople ang pasikot-sikot sa pamamalakad ng POEA, ATN at OWWA bilang dating undersecretary ng Department of Labor and Employment.
Naniniwala ako na bilang anak ng “Ama ng mga OFW” na si dating Kalihim Blas Ople, ay taglay rin ni Usec. Toots Ople ang kagalingan at pagmamalasakit para sa karapatan at kapakanan ng mga OFW nang walang halong personal na interes na magpayaman nang dahil sa dugo at pawis ng ating mga bagong bayani.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com
372 