4 IMPORTERS BLACKLISTED!

APAT na negosyanteng pinaniniwalaang sangkot sa malawakang agri-smuggling sa bansa ang inilagay sa “blacklist” ng Bureau of Customs (BOC) kasabay ng pagtitiyak na hindi kailanman kukunsintihin ng kawanihan ang hindi makatwirang paggamit ng pribilehiyong “green lane” sa hangaring makaiwas sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno.

Kabilang sa mga hayagang tinukoy ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa isang pagdinig sa Kamara sina Manuel Tan, Andrew Chang, Leah “Luz” Cruz at Jun Diamante, na diumano’y pawang sangkot sa agri-smuggling, kasama ang ilang opisyal ng Department of Agriculture.

“At the same time, we have issued notices to the ports to be wary of the presence of these individuals, including their cohorts,” ani Guerrero sa House Committee on Ways and Means.
Hindi na pinangalanan ng BOC chief ang mga tiwaling opisyal ng kagawaran ng agrikultura. Gayunpaman, inamin ni Guerrero na maging sa kanilang kawanihan ay mayroon ding isinasagawang imbestigasyon.

Pagtitiyak pa ni Guerrero, mas magiging mahigpit ang kanyang tanggapan sa pagsala ng mga kumpanyang pwedeng gawaran ng “green lane” – isang pribilehiyong karaniwang ibini­bigay sa mga kargamentong klasipikadong “low-risk.”

“Wala na sila. Blacklisted na sila,” ani Guerrero.

Batay sa pagsisiyasat ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), lumalabas na ang mga naturang personalidad ay gumagalaw sa Subic, Cagayan de Oro, Batangas, Manila International Container Port, at Port of Manila.

Samantala, wala pa rin resulta ang isinasagawang imbestigasyong pangako ni Agriculture Secretary William Dar sa hanay ng mga opisyal at empleyado ng kanyang kagawaran.

Una nang lumutang ang balitang sangkot ang kanyang tanggapan sa malawakang agri-smuggling, alegasyong agad na itinanggi ng nasabing Kalihim.
(ANGEL F. JOSE)

184

Related posts

Leave a Comment