QUEZON – Dalawa ang patay habang isa ang sugatan nang ang kanilang sinasakyang tricycle ay bumangga sa kasalubong na van sa bayan ng Mulanay sa lalawigang ito, noong Sabado ng madaling araw.
Kapwa binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang magpinsang biktima na sina John Kenneth Deraya, 21, at John Kevin Deraya Macunat, 16, parehong residente ng Barangay Poblacion 1 ng nasabing bayan.
Sugatan din ang isa pang kasakay ng mga ito na si Michael Fortalez, 20-anyos.
Batay sa report ng Mulanay Police, tinatahak ng top down motorcycle na minamaneho ni Deraya ang national road nang tangkain nitong mag-overtake sa sinusundang motorsiklo dakong alas-3:00 ng madaling araw.
Nasa proseso ito ng pag-overtake nang biglang sumulpot ang kasalubong na van na minamaneho ni Argie Atibagos.
Hindi na nakabalik sa kanyang linya ang tricycle at sumalpok ito sa van.
Tumilapon sa kalsada ang mga biktima na grabeng napinsala ang ulo at katawan.
Isinugod ang mga ito sa Bondoc Peninsula District Hospital sa bayan ng Catanauan subalit binawin ng buhay sina Deraya at Macunat.
Kinustodiya naman ng mga awtoridad ang driver ng van. (NILOU DEL CARMEN)
