CAVITE – Mahigit P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu, baril at mga bala ang nasamsam sa nadakip na lima katao, kabilang ang mag-aama, sa isinagawang buy-bust operation sa Trece Martires City sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga arestado na si Mobarak Batao y Dida, 58, at mga anak nito na sina Kadir Batao y Disimban, 26; Hakim Batao y Disimban, 24; Mobarak Batao y Disimban Jr., 22, pawang mga residente ng Blk. 31, Lot 21, Beverly Homes, Phase 1, Trece Martires, Cavite, at kapitbahay nilang si Cosain Bangon y Pablo, 66, ng Blk. 31, Lot 21, Beverly Homes, Phase 1, Trece Martires, Cavite.
Ayon sa ulat, dakong alas-9:05 ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsamang pwersa ng SOU 4A, PNP DEG (lead unit) at Trece Martires CPS sa harapan ng B31, L21 Canon St., Beverly Homes, Phase 1, Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mag-aama at kapitbahay nila.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 300 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P2,040,000, buy-bust money, isang kalibre .45 na baril (Armscor) na loaded ng anim na bala, isang kalibre .45 na baril (Safari) na loaded ng isang magazine, 30 bala ng 5.56 MM, siyam na empty short steel magazine, 75 bala ng kalibre .45, isang metal silencer ng bala, iba’t ibang identification cards at COVID-19 vaccination card, isang digital weighing scale, limang piraso na samu’t saring unit ng cellphone at isang pulang Hyundai na may plakang AOA 5668.
Sinasabing ang Batao brothers ay kapatid umano ng pinatay na pulis sa Dasmariñas City noong Disyembre 2020 na si P/SSgt. Roseman Batao.
Ang naarestong mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng SOU 4A, PNP DEG para sa disposisyon at dokumentasyon habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Omnibus Election Code. (SIGFRED ADSUARA)
