LIMANG taon makaraan ang nakapanlulumong pagkawasak ng isang lungsod sa gawing timog ng bansa, nananatiling pangarap ang katuparan ng pangakong pagbangon ng Pangulong nag-utos na pulbusin ang Marawi City na noo’y pinamamahayan ng mga terorista.
Gayunpaman, naniniwala ang administrasyong Duterte na muling babalik ang sigla ng Marawi sa kanilang isinasagawang rehabilitasyon.
Ang problema, isang buwan na lamang ang nalalabi sa kanyang termino at kung pagbabatayan ang pahayag ni Housing Secretary Eduardo del Rosario na siya ring kumukumpas sa Task Force Bangon Marawi, tila hindi na posibleng matapos sa Hunyo 30 ang pagsasaayos ng lungsod na higit na kilala sa masiglang kalakalan.
Pag-amin ni Del Rosario, 72% pa lang ng proyektong rehabilitasyon ang kanilang nakumpleto sa Marawi, limang taon matapos ang madugong sagupaang sukdulang dumurog sa mga imprastraktura, kumitil sa halos 1,000 katao at sumira sa pangarap ng mga kapatid nating Moro.
Ang nakatatawa, nagyabang pa si Del Rosario na may 18% pang bahagi ng rehabilitasyon ang matatapos pagsapit ng buwan ng Setyembre at ang nalalabi naman aniya ay matatapos sa unang bahagi ng susunod na taon.
Nagpapatawa ba ang Kalihim? Hindi naman siguro. Batid din niya marahil na hindi na si Duterte ang Pangulo pagsapit ng Setyembre. Batid din niya marahil na ang kanyang tinutukoy na nalalabing bahagi ng proyekto ay hindi pa nasisimulan at tila malabong umpisahan dahil sa kawalan ng pondo ng ating pamahalaan.
Sa madaling salita, bigo ang administrasyong tuparin ang pangakong tapusin ang rehabilitasyon ng winasak na lungsod kung saan nananahan ang daan-daan libong mga kapatid nating Moro.
Ang totoo, taun-taon na lang nagtatakda ng deadline ang gobyerno para sa rehabilitasyon ng Marawi. Kalakip ng deadline ang pondong inilalaan ng pamahalaan para tiyakin ang asam-asam na katuparan sa pangakong binitawan ni Duterte sa mga pamilyang namatayan, nawalan ng tahanan, kabataang walang mapasukang paaralan dahil napulbos ng mga bombang ginamit ng mga sundalo sa mga puntiryang terorista.
Hay naku… ang pinsalang iniwan ng digmaan, tila pinagkakaperahan pa ng mga tiwali sa pamahalaan!
184 