QUEZON – Wala nang buhay nang madiskubre ang isang magsasaka na niratrat sa loob ng kanyang bahay ng hindi kilalang mga suspek sa bayan ng Guinayangan sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Antonio Macasar, 63, taga Barangay Magallanes.
Batay sa report ng Guinayangan Police, dakong alas-10:30 ng noong Martes ng umaga nang matuklasan ng kanyang kapitbahay na si Jayson Orugo ang krimen.
Ayon kay Orugo, dakong alas-7:00 noong Lunes ng gabi nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok mula sa bahay ng biktima subalit hindi niya umano ito pinansin.
Kinabukasan na siya naengganyong tingnan ang bahay matapos na hindi nito makita na lumabas ang biktima noong umaga.
Sa puntong iyon ay natuklasan niyang nakabulagta ang biktima sa sahig at tadtad ng tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang kung ano ang motibo at kung sino ang mga suspek sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)
