Ni ANN ENCARNACION
NAKATAKDANG magkaroon ng tune-up games ang Gilas Pilipinas at South Korea bago ang 2022 Fiba Asia Cup.
Ang 2022 Fiba Asia Cup ay nakaiskedyul mula Hulyo 12 hanggang 24 sa Istora Stadium sa Jakarta, Indonesia.
Ayon sa news outfit na Jumpball, ang balita hinggil sa tune-up games sa Gilas ay galing mismo sa bagong Korean team coach na si Choo Il-Seung.
“From June 17 to 18, we will play an evaluation match against the Philippine national team at Anyang Gymnasium. I think we should check the physical condition of the players from the 30th,” pahayag ni Il-seung.
Ang Korea ay pangungunahan ng naturalized player at dating PBA import na si Ricardo Ratliffe at NBA draft aspirant Lee Hyun-Jung.
Sa ngayon ay wala pang pahayag hinggil dito ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), na labis na nadismaya sa pagkatalo ng Gilas kontra Indonesia sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam. Nagkasya ang national men’s team sa silver medal.
Inaasahang magkakaroon ng revamp sa players at maaaring pati sa coaching staff ng Gilas matapos ang tinaguriang ‘Horror in Hanoi’.
HULING LARO NI
KIEFER SA SEAG
GRADUATE na si Kiefer Ravena sa paglalaro sa Southeast Asian Games.
Sa kabuuan ay nakapag-uwi siya ng limang ginto, at isang silver mula sa katatapos lang na 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam.
Sa kanyang Instagram account ibinunyag ni Ravena ang pagreretiro sa biennial meet.
“That’s it for me! Hanging these bad boys up for my last SEA Games!”
Nagsimula ang 28-year old basketball player na maglaro para sa pambansang koponan noong 2011, nang una niyang makuha ang gold medal. Nasundan pa ito ng ginto sa 2013, 2015, 2017 at 2019 SEAG editions.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, bigo si Ravena na maiuwi ang ikaanim na gold, matapos ma-upset ang Gilas Pilipinas ng Indonesia sa kanilang final match up, 81-85, sa Hanoi.
Sa kabila nito, nagpapasalamat siya sa naging journey kasama ang national team sa regional meet.
“Thank you SEA Games for the competition, relationship, and memories. Thirteen straight [gold medals] is tough to beat, and I’m proud of my team,” pahayag ni Ravena.
“Sorry we fell short,” pahabol niya.
212
