DPA Ni BERNARD TAGUINOD
NGAYONG naiproklama na ng Commission on Elections (Comelec) ang party-list organizations na nanalo sa nakaraang eleksyon, sana pagsilbihan talaga nila ang mga sektor na kanilang kinakatawan sa Kongreso.
Ang layon ng party-list system ay magkaroon talaga ng kinatawan ang mga ‘marginalize sector” sa Kongreso pero ang katotohanan, nag-aastang pulitiko na ang party-list congressmen pagdating nila sa kapulungan.
Napansin ko noong panahon ng kampanya na maraming bagong party-list na ang nominees ay mga retired police at military officials. Parang naging fallback na lang nila kung baga?
Kanya-kanyang buo ng party-list organization ang mga retiradong police at military officials at maging ‘yung mga dating opisyales ng gobyerno na hindi na nagkaroon ng pagkakataon na makabalik sa gobyerno.
Marami ring pamilya ng mga pulitiko ang nagtatayo ng party-list para magkaroon ng puwesto ang kanilang mga anak, kapatid o iba pang kaanak na walang lugar sa kanilang political territory o kaya walang pag-asang manalo kapag lumaban sa congressional election.
Sa laki kasi ng pamilya ng ilang political clans sa bansa, marami sa kanila ang gustong magkaroon ng puwesto at upang maiwasan siguro ang away-pamilya at agawan sa puwesto ay may nagtatayo na lamang ng party-list para sa walang lugar nilang mahal sa buhay. Baka sakali.
Meron ding mga party-list na itinayo ng mayayaman na kayang gastusan ang napakamahal na kampanya sa buong bansa na kapag nanalo naman ay otomatiko na ang kanilang proteksyon sa kanilang negosyo at may impluwensya pa.
Maraming ganyan pero hindi alam ng mga tao at nagugulat na lamang sila na kapag nanalo at umupo na ang mga nominee ng party-list na kanilang ibinoto.
Hindi pala nila kauri ang kumakatawan sa kanila.
Hindi kasi alam ng mga tao kung sino ang mga nominee ng karamihan sa mga party-list sa panahon ng kampanya dahil ang pangalan lang ng kanilang partido ang inilalako sa publiko.
Karaniwan ang tarpaulin lang ng mga party-list ang ikinakalat sa buong bansa kapag panahon ng eleksyon pero hindi sinasabi kung sino ba ang nominees ng mga iyan.
Ipinapalabas nila na kesyo kinatawan sila ng ganitong sektor pero mukhang walang konsultasyon na ginawa dahil may mga sektor na nagugulat na lamang na may may gustong kumatawan pala sa kanila sa Kongreso.
Nagkakagulatan na lamang kapag nakaupo na ang nominee ng partidong kanilang ibinoto dahil ang akala nila mula sa kanilang sektor pero hindi pala. Mayaman pala ang kumakatawan sa kanila na siguradong hindi naintindihan ang kanilang pangangailangan, kanilang concern at gustong gawin sa kanilang sektor.
Pero bigyan natin ng pagkakataon ang mga bagong halal na party-list baka naman sa pagkakataong ito ay magsisilbi sila sa sektor na kanilang ginamit, este irerepresenta sa Kongreso. Baka sakali.
196 