NAIPIT SA AMONG NAG-AAWAY, NAPAUWI NG AKOOFW AT OWWA

NAIPIT sa nag-uumpugang bato ang naging kalagayan ni Kimberly Duclayan dahil sa “away-mag-asawa” na humantong sa paghihiwalay ng kanyang mga amo.

Ayon sa sumbong na ipina­dala ni Kimberly sa AKOOFW, nakarating siya sa bansang Kuwait sa pamamagitan ng Naptron International Manpower Agency noong Setyembre taong 2017. Tapos na ang kanyang kontrata noon pang Setyembre 2021 kaya kung tutuusin ay mahigit na siyang 4 na taon naninilbihan sa kanyang amo na walang uwian o bakasyon.

Sa loob ng panahon na iyon ay hindi na rin nire-renew ng kanyang amo ang kanyang iqama o visa kung kaya lagi siyang nababahala sa tuwing oras na lalabas ng tahanan ng amo dahil posible na rin siyang hulihin ng pulis.

Dahil dito, nakiusap siya sa kanyang amo na kung maaari ay pauwiin na lamang siya sa Pilipinas. Sa kasamaang palad ay napasabay naman sa pag-aaway ng kanyang mga amo na humantong sa paghihiwalay nilang mag-asawa, kung kaya naiwan siya sa bahay ng kanyang among babae. Dahil sa pinili niyang maiwan sa among babae, kinasuhan naman siya ng kanyang among lalaki ng “absconding” o pagtakas sa amo.

Nadala si Kimberly sa Talha Deportation jail, at dahil dito kung kaya nagdesisyon na si Kimberly na humingi ng tulong sa kanyang kapatid na si April Duclayan na siya naman nagparating sa AKOOFW ng sitwasyon ni Kimberly at ang kahilingan nito na siya ay mapauwi na sa Pilipinas.
Matapos na aking matanggap ang sumbong na ito ay mabilis tayong nakipag-ugnayan kay OWWA Kuwait Welfare Officer Genevieve Aguilar-Ardiente. Mabilis ang naging pagkilos ng ­ating OWWA Welfare officer Jingle na nakipag-ugnayan agad sa Philippine Embassy Assistance to National Unit (ATNU).

Noong May 25 ay ibinalita sa akin ni Welfare Officer ­Ardiente na nadala na si Kimberly sa Talha Deportation at nakatakda rin lumipad sa kaparehong araw. Sa kasalukuyan ay kapiling na ni Kimberly ang kanyang pamilya na labis na nagpapasalamat sa AKOOFW, OWWA at Philippine Embassy sa Kuwait.

***
Sa darating na Biyernes, Hunyo 3 mula alas-6:00 ng gabi hanggang ika-7:00 ng gabi ay makakapiling natin sa ating ­programa sa radio na BANTAY OFW sa DWDD 1134 KHz si POEA Administrator Bernard Olalia. Atin pong tatalakayin ang napakainit na topic na pagtatali ng PhilHealth, Pag-IBIG at Mandatory Insurance bago makakuha ng Overseas Employment Certificate (OEC).

Aalamin natin mula mismo kay Administrator Olalia ang pinaka-latest na patakaran sa pagkuha ng Overseas Employment Certificate (OEC). Maaari din kayong magparating ng katanungan sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono 0927-926-500 na bukas lamang tuwing Biyernes sa oras ng ating programa.

***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

283

Related posts

Leave a Comment