BULACAN – Tatlo ang kumpirmadong namatay habang isa ang kritikal ang kalagayan makaraang gumuho ang ikalawang palapag ng isang gusali sa Barangay Libtong, Lungsod ng Meycauayan noong Martes ng hapon.
Sa report ni Bulacan Police director, Col. Charlie Cabradilla, kinilala ang mga namatay na sina Roel Prestone, 38; Annalyn Baldon, 35, at James Franklin Marcelo, 19-anyos.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Meycauayan Doctors Hospital ang isa pang biktima na si Marjorie Naling, 28-anyos.
Ayon sa pulisya ang mga biktima ay pawang mga empleyado ng E-One Consumer Trading Corporation sa Silver St., Muralla Industrial Park sa nasabing lugar.
Base sa panimulang imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang alas-4:59 noong Martes ng hapon habang ang mga biktima ay abala sa kanilang trabaho.
Ayon sa report, bandang 8:30 ng gabi unang nasagip si Naling na may vital signs at agad isinugod at nabigyan ng paunang lunas sa Meycauayan Doctors Hospital.
Bandang 11:35 ng gabi naman nang makuha ng mga rescuer ang katawan ni Preston habang si Baldon ay bandang 2:10 ng madaling araw at si Marcelo ay bandang 7:52 ng umaga noong Miyerkoles, pawang wala nang vital signs.
Isinugod sila sa Marymount Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang sanhi ng insidente subalit sa paunang imbestigasyon ay tinitingnan ang sinasabing overload ng mga nakaimbak na parcel kaya bumagsak ang naturang gusali. (ELOISA SILVERIO/GINA BORLINGAN)
