APAT na barangay sa Irosin, Sorsogon ang nababalutan ng ash fall matapos ang phreatic eruption ng Mt. Bulusan, nitong Linggo ng umaga, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Sinabi ni Irosin, Sorsogon MDRRMO officer Fritzie Michelena, umabot sa 800 pamilya ang apektado ng ash fall sa mga barangay ng Cogon, Bolos, Gulang-Gulang, at Tinampo.
“Sa ngayon, apat na barangay ang slightly affected ng phreatic explosion ng Bulkang Bulusan pero sa karatig namang bayan, ‘yun ‘yung medyo madami-dami ang ashfall, diyan sa Juban,” sabi nito.
Inihahanda na ng local government ang posibleng paglikas ng mga residente, sabi ni Michelena. Hindi pa umano kailangan ang paglikas base sa inisyal na pagtatala.
Hindi pa rin umano nanghihingi ng ano mang tulong ang lokal na pamahalaan sa national government.
Kaugnay nito, nakaalerto ang mga tauhan ng Phivolcs, gayundin ang National Disaster Risk Reduction Management Council kasunod ng pagputok ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon na sinundan ng pagbuga ng makapal na usok kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, nagulantang ang mga residente ng ilang barangay malapit sa Bulusan Volcano nang biglang pumutok ito bandang alas-10:37 ng umaga nitong Linggo
Ayon sa ulat ng Phivolcs, nagkaroon ng phreatic explosion ang bulkan at bumubuga ito ng makapal at itim na usok na tumagal ng 16 minuto.
Sa nangyari ring phreatic explosion ng Bulkang Bulusan, marami rin umano ang apektado sa bayan ng Juban.
Ayon sa NDRRMC, may naitalang 66 pamilya ang naninirahan malapit sa 4 kilometer permanent danger zone at subalit hindi pa naman sila inabisuhan na umalis bagamat nakahanda ang lokal na pamahalaan sakaling kailanganin silang ilikas.
Una rito, iniulat ni Phivolcs Director Renato Solidum, nagtagal ng 16 minuto ang pag-aalburuto ng bulkan na maaari pa raw masundan.
“This is to notify the public and concerned authorities of an ongoing phreatic eruption at Bulusan Volcano. Details to follow,” ayon sa Phivolcs Facebook post.
Huling naitalang pagputok ng Bulusan noong Oktubre 2016, at inilagay ng Phivolcs ang Bulusan sa Alert Level 0 (NORMAL) hanggang Agosto 2021. (LILY REYES/JESSE KABEL)
