Sa serye ng manhunt operations 10 SANGKOT SA HAZING SA LAGUNA NAKORNER

LAGUNA – Dinampot ng mga awtoridad ang 10 katao na umano’y sangkot sa hazing na ikinamatay ng isang estudyante sa lalawigan.

Nadakma ang 10 suspek sa sunod-sunod na manhunt operations na ikinasa ng Kalayaan Municipal Police Station noong Huwebes, Hunyo 2, 2022.

Unang naaresto ng Kalayaan Police sa manhunt operation dakong alas-6:45 ng gabi sa kanilang tirahan sa Brgy. San Juan, Kalayaan, ang mga suspek na sina Leo Duco, 20, at Paulo Lacaocao, 23-anyos.

Sumunod namang inaresto sa dakong alas-8:00 ng gabi sa Purok 1, Brgy. San Juan ang mga suspek na sina Kevin Perez, 23, construction worker; Jerwin Caraig, 25, at Osama Sotomayor, 20-anyos.

Naaresto rin ang lima pang mga suspek na sina Johndel Ponce, 26, isang site engineer ng Telecommunications company; Art Jay Nadal, 19; Wilson Maestrado, 31; Kris Cabiscuelas, 25, at Kirby Galero, 23, pawang mga residente ng Brgy. San Juan, Kalayaan.

Isinagawa ang mga operasyon sa bisa ng warrant of arrest na nilabas Regional Trial Court, Branch 28 sa Sta. Cruz, Laguna sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 (RA 11053).

Ang arestadong mga suspek ay sinampahan ng kaso noong Mayo 4, 2022 kasama ang iba pang mga suspek na sina Simeon Rabin Mercado Jr., na umano’y siyang chairman ng Tau Gamma Phi Fraternity na nagsagawa ng initiation rites; Richard Dimaranan Jr., vice chairman – Internal; at Vernon Rabutazo (Master Wielder of the Whip – External), na pawang mga opisyal din ng Tau Gamma Phi Fraternity – Kalayaan Council.

Matatandaang nangyari ang hazing incident noong Marso 20, 2022, sa Twin Falls sa Brgy. San Juan, Kalayaan kung saan sumailalim umano sa initiation rites ng nasabing fraternity at dumanas ng severe physical injuries ang biktimang si Reymarc Rabutazo alyas “RR”, 18, senior high school student, at residente ng Purok 1C, Brgy. Longos, Kalayaan, Laguna na naging sanhi ng pagkamatay nito. (NILOU DEL CARMEN)

313

Related posts

Leave a Comment