Alert Level 1 nananatili MT. BULUSAN TULOY SA PAG-AALBUROTO

NANANATILING nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Ito ay makaraang makapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nang patuloy na seismic activity ng nasabing bulkan.

Bukod pa ito sa nangyaring phrea­tic eruption ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon, noong Linggo ng umaga, Hunyo 5, dahilan upang itaas ng Phivolcs ang alert status nito sa Alert Level 1 o low-level unrest, mula sa dating 0 lamang o normal.

“Alert Level 1 status is now raised over Bulusan Volcano, which means that it is currently in an abnormal condition,” ayon sa Phivolcs.

Sinabi naman ni Phivolcs Director and Science Undersecretary Renato Solidum Jr., ang phreatic eruption ay nagsimula alas-10:37 ng umaga at nagtagal ng 16 minuto.

“Kanina, nagkaroon ng phreatic eruption ang Bulusan Volcano… ‘Yung pagsabog ay sanhi ng pagpapakulo ng tubig sa ilalim ng crater. Tumagal ito ng 16 minutes at patuloy natin itong sinusubaybayan,” ani Solidum.

Sa kabilang dako, sa ipinalabas namang bulletin ng Phivolcs, sinabi nito na nagtagal ng 17 minuto ang pagputok ng bulkan at naobserbahan umano ang steam-rich grey plume na umabot sa hanggang isang kilometro ang taas, mula sa munisipalidad ng Juban, bago ito tinangay ng hanging patungong kanluran.

Dahil dito, kusang nilisan na ng ilang residente sa mga bayang nakapaligid sa Mount Bulusan ang kanilang mga tahanan, lalo’t umabot na sa ilang komunidad ang ash fall.

May mga naiulat ding ash fall sa Juban at Casiguran, gayundin sa apat na barangay ng Irosin.

Ligtas at agad namang nakababa sa bulkan ang 14 mountaineers mula sa Calabarzon area at Metro Manila kasama ang apat na local tour guide na umakyat galing sa bayan ng Barcelona.

Sa ngayon ay hindi pa nagpapatupad ng forced evacuation sa lugar subalit naglibot naman ang mga tauhan ng Barangay Cogon sa Irosin para mamahagi ng face mask at tinututukan na rin ang sitwasyon.

Sinasabing naobserbahan din nila ang pagdami ng volcanic earthquakes sa bulkan nitong nakalipas na magdamag na umabot sa 77.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Solidum ang mga residente na iwasan ang four-kilometer radius ng permanent danger zone. (CHRISTIAN DALE)

227

Related posts

Leave a Comment