AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
DUMULOG sa AKO-OFW ang pamilya ni Janelyn Masong upang humingi ng tulong para mapauwi na sa Pilipinas ang kanilang kapatid na kasalu-kuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia.
Sa kontrata na pinirmahan ni OFW Janelyn ay dapat na siya’y magtrabaho sa bansang Jordan. Maayos naman ang kanyang pagtatrabaho sa kanyang employer at talagang magkasundo naman sila nito.
Ngunit noong Agosto 27, 2017 ay napalipat sa Riyadh, Saudi Arabia ang kanyang employer at isinama rin ito upang doon ipagpatuloy ang kanyang paninilbihan. Hanggang sa kasalukuyan ay nasa Riyadh pa rin si OFW Janelyn at kasama ang kanyang amo.
Sumbong ng kanyang pamilya, matagal nang tapos ang kontrata ni OFW Janelyn kung kaya nakikiusap sila na matulungan ito na mapauwi na agad sa Pilipinas.
Nakipag-ugnayan sila sa ahensya nito na First Personnel Manpower na agad naman kumilos upang makipag-ugnayan sa kanyang employer.
Humantong pa nga ang ahensya sa pagsusumbong sa embahada at sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) laban sa employer dahil sa ginawa nitong paglipat ng bansa ni OFW Janelyn na hindi naman ayon sa kontrata na pinirmahan nito.
Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan din ang First Personnel Agency sa POLO sa Riyadh upang makiusap na tulungan silang pakiusapan ang employer nito na pauwiin na si OFW Janelyn kahit pa ang ahensya na lamang ang gumastos sa pamasahe nito.
Ang AKO-OFW ay nakikipag-ugnayan din kay OWWA Welfare Officer Racquel Kunting upang pakiusapan ito na makipag-ugnayan sa employer at pakiusapan na i-surrender na sa POLO-OWWA si OFW Janelyn upang masimulan na ang pagproseso sa mabilis na pagpapauwi nito.
Kilala ko si Welfare officer Kunting sa pagiging maasikaso at mabilis sa pagkilos sa tuwing ating ipinapadala ang mga hinaing ng mga OFW na nasa Riyadh, kung kaya umaasa ako na mabilis nitong maaksyunan at mapapauwi sa lalong madaling panahon si OFW Janelyn upang makapiling na nito ang kanyang pamilya.
***
Ngayong gabi sa ating programa sa radio DWDD 1134 KHz AM na Bantay OFW ay makakapiling po natin si Philippine Economic Zone Authority (PEZA) Director General Charito Plaza upang pag-usapan ang mga programa ng PEZA para sa kapakanan ng mga OFW.
Si DG Plaza ay may ranggo ring Brigadier General sa Philippine Air Force Reserve Command at kasalukuyang 1st Wing Commander nito.
Dahil dito ay mapag-uusapan din ang mga programa ng PAF Reserve pati na rin ang mga alituntunin sa pagsali at pati ang benepisyo ng pagiging isang reservist.
Ang BANTAY OFW sa DWDD 1134 KHz ay mapapakinggan tuwing Biyernes alas-6:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
