BAHAGYANG napuno ang mga ospital sa Kalakhang Maynila sa mga kasong walang kinalaman sa COVID-19 o non-COVID–19 cases.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Bernadette Velasco, operations manager ng national patient navigation and referral center (dating One Hospital Command Center) na may mga chronic diseases ang nagagawa nang makapagpa-check-up at makapunta sa mga ospital dahil sa ulat na patuloy na pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Sa nakalipas na dalawang taon aniya ay takot magpunta sa ospital ang mga tao na may ibang karamdaman dahil sa takot sa COVID-19.
Kaya naman ani Velasco, nakikipag-ugnayan sila sa ibang rehiyon para ma-maximize nang husto ang kanilang mga kwarto para hindi lahat ng pasyente ay pupunta pa ng NCR.
Sa loob naman ng Kalakhang Maynila, ginagamit din aniya ang health services at facilities para hindi lahat ng pasyente ay kailangan pumunta sa specialized care facilities tulad ng Philippine General Hospital (PGH).
Sa kasalukuyan, sinabi ni Velasco na nananatiling 24 oras ang kanilang serbisyo para may matawagan at mahingan ng tulong ang publiko kung kailangan ng medical assistance.
At ang paalala ni Velasco, hindi lamang COVID-19 cases ang kanilang tinutugunan, kundi maging ang non-covid cases. (CHRISTIAN DALE)
291 