BIGWIGS SA PULITIKA NAKATIKIM NG TALO

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

PARANG nagbabadyang mag­laho na sa mundo ng pulitika ang ilang kilalang pamilya sa iba’t ibang panig ng bansa kung ang resulta ng nakaraang eleksyon ang pagbabasehan natin.

Sabagay, may mga pamilya ng mga politiko ang sikat na sikat noong kabataan ko sa aming probinsya ang akala ko na hindi na sila mawawala sa kapangyarihan pero bigla silang nawala matapos makatikim ng sunod-sunod na pagkatalo.

Kasama na dyan siyempre ang kababayan kong si Juan Ponce Enrile na mukhang wala nang pag-asang sumunod sa kanyang yapak ang kanyang mga anak dahil ang anak na babae na si Katrina Ponce Enrile ay natalo sa 2nd Congressional District sa Cagayan.

Tinangka rin noon ng anak ni JPE na si Jack Enrile na bumalik sa distrito matapos mabigo na sundan ang kanyang ama sa Senado pero natalo rin kaya ang sabi ng mga tao, tapos na ang mga Enrile.

Sa Quezon Province, naka­tikim ng talo sa unang pagkakataon ang gobernador ng lalawigan si Danilo Suarez at ang masaklap ay maging ang kanyang asawa na si Aleta ay hindi pinaporma.

Matagal na hinawakan ng mga Suarez ang Quezon ­Province at bagama’t mayaman sila, natuldukan ang political career ng mag-asawa na noon ay walang katalo-talo tuwing may halalan.

Sa Laguna, tinapos na rin ang career ng mga Chipeco ng Calamba City matapos matalo sa congressional race si Mayor Timmy at ang isa pang Chipeco na papalit sa kanya bilang alkalde ng kanilang lungsod ay nabigo rin.

Lumamlam din ang political career ng mga Fariñas ng Ilocos Norte matapos mabigo (inaasahan naman) si Mang Rudy sa gubernatorial race habang natapos agad ang career ng kanyang anak na si Ria matapos matalo kay Presidential Son Sandro Marcos ng Unang Distrito ng lalawigan.

Matagal na hinawakan ng mga Fariñas ang Unang Distrito ng Ilocos Norte kaya ang tanong makababalik pa ba ang mga ito sa pulitika kahit may mga anak na party-list congressman at isang board member? Medyo may tulong.

Bigo rin ang kilalang politiko sa Maguindanao na si Esmael Mangudadatu na maging ­governor muli ng lalawigang ito na ­dating pinagharian ng mga Ampatuan at ang isa pang Mangudadatu na papalit sana sa kanya bilang kinatawan ng ikalawang distrito ay bigo rin.

Si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay Jr. na matagal na naghari sa Unang Distrito ng lalawigan ay natalo rin at binigo rin ang kanyang misis na si Karla sa kanyang pagtatangkang ­maging gobernador.

Sa Maynila, nabigo ang mga Lopez, at Bagatsing na mga kilalang mga pangalan sa pulitika sa lungsod at sa Bulacan, hindi na rin nakabalik ang iba pang big shot sa lalawigan.

May mga mayor din na nagpapalitan nang mahigit 30 taon sa poder, ang hindi na rin pinabalik ng kanilang mga constituent kaya marami ang na-shock daw sa nakaraang eleksyon.

Ilan lang ‘yan sa bigwigs sa pulitika ang hindi na binigyan ng mga tao na isa pang pagkakataon na karaniwang nauuwi na sa ­pagreretiro sa pulitika.

222

Related posts

Leave a Comment