NAPILITAN nang lumantad kahapon ang SUV driver na nanagasa ng isang security guard sa Mandaluyong City kamakailan, matapos maglabas ng ultimatum si Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na dakpin ang suspek oras na hindi pa ito lumutang.
Kinokonsidera ngayon ni Lt. Gen. Danao na “case solved” na ang kaso ng hit-and-run sa security guard na nagmamando ng trapiko sa lugar, makaraang personal na humarap sa kanya sa Camp Crame kahapon ng tanghali ang pangunahing suspek sa insidente.
Dumulog sa tanggapan ng heneral si Jose Antonio San Vicente kasama ang kanyang mga magulang at abogado.
Kasunod ng ginanap na pulong balitaan, inamin ng mga magulang ng suspek na nagdesisyon silang humarap sa PNP kasama ang kanilang anak matapos mabatid ang “ultimatum” na ibinigay ni Lt. Gen. Danao na aarestuhin ang suspek kapag hindi pa rin ito sumuko.
Kaugnay sa biktima, tiniyak ng mga magulang ni San Vicente na handa silang sagutin ang lahat ng medikal na pangangailangan ng security guard na kasalukuyang nasa ospital matapos itong bundulin at sagasaan pa saka inabandona.
Magugunitang ipinag-utos ni PNP OIC chief ang pag-aresto sa SUV driver na sumagasa sa security guard noong Hunyo 5, 2022 kasabay ng pagpapalabas ng lookout bulletin ng DOJ bagamat wala pang warrant of arrest na inilalabas ang korte.
May basehan umano ang utos ni Gen. Danao napag-aresto dahil ito ay isang continuing crime.
Una nang sinampahan ng kasong frustrated murder and abandonment of one’s own victim ng Mandaluyong Police si San Vicente. Ang insidente sa Mandaluyong noong Hunyo 5 ay pang limang kaso na ng suspek.
Batay sa records ng LTO, tatlong beses nang nahuli si San Vicente dahil sa kasong reckless driving noong 2010, 2015 at 2016.
Samantala, mino-monitor Bureau of Immigration (BI) si San Vicente kaugnay sa nasabing kaso.
Ito ay base sa kautusan mula sa Department of Justice (DOJ) dahil posibleng umalis ng bansa ang driver na nag-viral sa hit-and-run incident sa Mandaluyong City.
Ayon sa 3-page order ni DOJ Secretary Menardo Guevarra, ipinag-utos niya sa BI na i-monitor ang posibleng pagbiyahe ni Jose Antonio Valmonte San Vicente, ang driver ng sports utility vehicle na tinakasan ang sinagasaang security guard na si Christian Joseph Florade sa Julia Vargas Avenue, Mandaluyong City kamakailan. (JESSE KABEL/JOEL O. AMONGO)
210 