KUNDI PA NAGBANTA SI GEN. DANAO, SUSPEK ‘DI PA LALANTAD

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

NAGPAKITA na sa wakas ang suspek sa pagbundol at pagsagasa sa kawawang guwardiya diyan sa Ortigas, Mandaluyong City, sampung araw matapos mangyari ang insidente.

Ang suspek na kinilalang si Jose Antonio San Vincente ay sumuko kay acting PNP chief, Lt. Gen. Vicente Danao Jr., isang araw matapos magbanta ito sa suspek na maglulunsad ng manhunt operation kapag naglabas ng warrant ang korte. Kasama nitong nagpunta sa PNP ang kanyang mga magulang at abogado.

Nagmistulang pipi naman itong si Jose sa mga katanungan ng media sa presscon na isinagawa sa Camp Crame dahil ang abogado nitong si Atty. Danny Macalino ang sumasagot sa mga tanong na ibinabato ng media.

Hoy Atty.! Hindi na bata ‘yang kliyente mo, sana pinabayaan mo siyang sumagot sa mga tanong na may kaugnayan sa pangyayari. After all, wala ka naman
doon sa insidente noong mangyari ito.

Sabagay normal lang din maging tagapagsalita ang abogado para sa kanyang kliyente baka kasi may masabi itong makasa­sama sa depensang inihahanda ng kanyang mga legal counsel. Pero ano pa ba ang magiging depensa ng legal counsel ni Jose Antonio San Vicente sa kanya dahil mayroong malinaw na kuha ng dashcam ang buong pangyayari.

Inamin na rin nito na siya nga ang driver ng Toyota RAV4 na may plate number na NCO 3781 nang humingi ito ng patawad sa guwardiyang si Christian Joseph Floralde ukol sa insidente.

Ayon sa ina ng suspek, napagpasyahan nilang isuko na lang ang anak matapos na marinig ang banta ni Gen. Danao. Kung ganun pala, wala silang balak na iharap ito at pababayaan na lang ang abogado na mag-asikaso ng problema.

Hindi naman nasagot nang maayos ng suspek ang katanu­ngan ukol sa ginawa niyang pagbundol at pagsagasa sa biktima. Hindi na raw niya maalala. Agad namang sinalo ng abogado nito ang kliyente at sinabing nag-panic daw ito kaya hindi na nagawang huminto upang tulungan ang biktima.

Ni-revoke ng Land Transportation Office ang lisensiya ni Jose Antonio San Vicente matapos na hindi ito sumipot sa dalawang pagdinig na ipinatawag ng ahensiya.

Ayon kay LTO Asec. Galvante, maaari lang makakuha ito muli ng lisensiya kung babawiin ng kalihim ng Department of Transportation (DOTr), ang revocation.

Hindi na sana lumaki ang insidenteng ito kung huminto lang itong suspek at tinulungan ang biktima matapos na mabundol niya ito. Malaking tulong din sana kung agad na sumuko ito sa pulisya, ilang araw matapos na mag-viral ang kuha sa pangyayari.

Mukhang mali yata ang ipinapayo nitong si Attorney sa pamilya San Vicente dahil kung tama ang mga payo nito sa mga dapat gawin, ang pagsuko sa mga awtoridad ang una n’yang ipapayo sa mga ito.

Sa ngayon, wala raw balak ang guwardiyang si Floralde na iurong ang demanda laban kay Jose San Vicente na muntik nang pumatay sa kanya dahil sa insidente.

197

Related posts

Leave a Comment