Ni ANN ENCARNACION
WALONG promising bowlers ang kakatawan sa Pilipinas sa Under 21 International Bowling Federation World Championship sa Sweden.
Sila ay sina Australian-based Jordan Dinham, Danielle Evangelista, Marc Custodio, Stephen Diwa, Grace Gella, Norel Nuevo, Alyssa Ty at Dale Lazo na umalis na patungong Helsingborg City noong Hunyo 18.
Gigiyahan ang Philippine team ni 2010 Asian Games gold medallist at kasalukuyang national coach Biboy Rivera, sa torneo na gaganapin simula Hunyo 20 hanggang 29 sa 20-lane Olympia Bowling Center.
Nagsanay ang Pinoy bowlers mula pa noong Oktubre ng nakaraang taon para sa nasabing torneo kung saan hindi sila inaasahang mananalo.
“We are underdogs but still have a chance to win,” giit ni coach Biboy, men’s singles gold medalist sa Asian Games 12 taon na ang nakalilipas.
Si Rivera ay nagkampeon din sa 2006 World Tenpin Bowling Championships at nagsilbing head coach ng men’s team na nagbulsa ng dalawang ginto mula sa nakaraang Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Matatandaang wagi ng gold si Merwin Tan sa men’s singles at sa team of four events kasama sina Christian Dychangco, Patrick Nuqui at Ivan Malig sa 31st SEA Games.
Kumpiyansa ang Team PH na magbibigay ng magandang laban sa U21 lalo’t dumaan na sila sa matitinding pagsubok gaya na lang nina Nuevo at Gella na nagawang maka-bronze medals sa World Junior Bowling Championships sa Saint-Maximin, France noong 2019.
Nagpartisipa rin ang dalawa kasama si Ty sa Asian Youth Tenpin Bowling Championships sa Sarawak, Malaysia sa parehong taon.
“The girls are hungry for tournaments and hungry of winning too,” sabi ni Josephine Canare, SEAG gold winner at Asian Games silver medal medalist bago naging national women’s girls team coach.
Nakansela ang World Youth Championships noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic kaya inaasahang ibibigay ng PH youth squad ang lahat ng makakaya upang makapag-uwi ng medalya sa bansa, lalo’t huling taon na sa team nina Gella at Ty.
