FINAL SECONDS TIMEOUT, BAWAL BA?

ROLL VTR Ni VT ROMANO

NAGING mainit na topic ang ‘banggaang’ Pido Jarencio at Ariel Vanguardia, head coaches ng NorthPort at Blackwater sa PBA, ayon sa pagkakabanggit.

Nakita natin sa video, hindi tinanggap ni coach Jarencio ang handshake ni coach Vanguardia, sa halip binunggo niya ito ng kanyang tiyan/katawan matapos ang NorthPort-Blackwater game na pinagwagihan ng huli, 97-90.

Maagap namang namagitan at umawat ang mga taong ­naka-­paligid sa kanila nang magkapalitan na ng maaanghang na salita ang dalawang coach.
Bakit hindi nakipagkamay si coach Jarencio?

Hindi niya nagustuhan ang ginawang pagtawag ng timeout ni coach Vanguardia sa final ­seconds ng game, gayung panalo na ang Blackwater at wala namang play pa na ginawa ang koponan after the timeout.

Tila napikon o nainsulto si coach Jarencio sa ginawa ni coach Vanguardia.

Kahit sa NBA, kapag final ­seconds na ang laro at may panalo na, ‘yung leading team ay hindi na nag-aattempt pang mag-timeout o kahit mag-shoot. Kumbaga, respeto na lang sa kalaban.

Ayon naman kay coach Vanguardia, tumawag siya ng last timeout para makapag-set pa ng last play at nang madagdagan sana ang kanilang kalamangan. Dahil gagamitin ito sa quotient system sakaling magkaroon ng tabla (ties) sa mga team after elimination round.

Wala naman sa basketball rules bawal mag-timeout sa final seconds ng laro. Tila nagiging insulto lang ito sa losing team.

Hindi first time nangyari ito sa PBA, kung hindi tayo nagkakamali, nagkainitan din noon sina coach Tim Cone, coach Yeng Guiao at maging si coach Norman Black sa kaparehong senaryo.

Kung mapapansin nyo sa laro ng Ginebra, TNT, Magnolia, NLEX, kahit may ilang segundo na lang, wala nang timeout at wala na ring nag-aattempt pang mag-shoot, hinihintay na lang tumunog ang buzzer.

Kumbaga, respeto na lang sa kalaban.

***

HANDANG-handa na si Filipino boxer Mark Anthony Barriga sa kanyang WBO light flyweight clash versus Puerto Rican champion Jonathan ‘Bomba’ Gonzalez sa Hunyo 24 sa Florida.

Dumating na kahapon si Barriga sa Florida.

Susubukang ma-duplicate ni Barriga ang naging tagumpay ni Jerwin Ancajas laban sa Puerto Rican boxer, sa kanyang pag­hamon kay Gonzalez.

Tinalo ni Ancajas ang pambato ng Puerto Rico na si McJoe Arroyo noong 2016 para sa IBF super flyweight championship.

Isa ang Puerto Rico sa mga bansang nakapag-produce ng maraming world boxing champions. Katunayan, noong 2004, ang Puerto Rico ay mayroong world champion sa 17 weight divisions.

Siyempre, ilan sa mga matutunog na pangalan ng boksingero mula Puerto Rico sina Hector Camacho, Miguel Cotto, Juan Manuel Lopez, Wilfredo Benitez, Wilfredo Gomez, at Amanda Serrano (female boxing world champion).

Kasunod nang pagkakahubad kay John Riel Casimero ng WBO belt, ang pagkatalo ni Ancajas noong Pebrero at nito lang nakaraang Hunyo 7 nang matalo si Nonito Donaire kay Naoya ­Inoue, dalawang world champions ang naiwan sa Pilipinas – sina WBC featherweight Mark Magsayo at IBF minifyweight Rene Mark Cuarto.

Dalangin nating mapagtagumpayan ni Barriga ang laban kay Gonzalez upang maiuwi ang WBO 108-lb belt.

331

Related posts

Leave a Comment