CAVITE – Kinuyog ng mga tambay ang isang 38-anyos na lalaki nang tinangkang tangayin ang tip box na naglalaman ng P5,500 sa loob ng isang coffee shop sa Imus City noong Martes ng hapon.
Inaresto ng mga awtoridad ang suspek na si Rodney Castro, binata, ng Leon Guinto St., Malate, Manila dahil sa reklamo ni Karl Reden Crisologo, 24, barista ng Teal Doa Café.
Ayon sa ulat ni Corporal Joselle Hernandez ng Imus City Police, dakong alas-12:50 ng hapon nang pumasok ang suspek sa Teal Doa Café sa Brgy. Luma 1, Imus City, Cavite at nagpanggap na customer.
Ngunit pagpasok nito ay naging malikot ang mga mata at agad na napansin ang isang tip box na nakalagay sa isang lamesa malapit sa counter kaya agad nitong sinunggaban at binasag saka kinuha ang pera pero napansin siya ni Crisologo at hinabol palabas.
Sa tulong ng mga istambay at barangay tanod ay naaresto ang suspek na binitbit sa presinto
Nabatid na may laman na P5,500 ang tip box na paghati-hatian ng mga empleyado. (SIGFRED ADSUARA)
258 