K-12 ‘DI UMUBRA SA PINAS

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

ISA sa mga dahilan kung bakit ipinilit ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang K-12 basic education programs sa Pilipinas ay dahil isa ang ating bansa sa mga bansa sa Asya na walang ganitong programa.

Nais na sabayan ang ibang bansa upang makapagkumpitensya raw ang mga Pinoy sa mga estudyante sa ibang bansa na matagal nang may ganitong programa sa kanilang basic education.

Dinagdagan ng dalawang taon ang basic education na ­dating 10 taon (6 na taon sa elementarya at 4 na taon sa high school ) at obligado pang makatapos ng kinder ang mga estudyante na noon ay hindi requirement bago makapag-enroll sa elementarya.

Ang tanging kilalang eskwelahan na may junior at senior high school ay ang Ateneo de Manila kung saan galing ang noo’y secretary ng Department of Education (DepEd) na si Bro. Armin Luistro.

Pero mula nang maging batas ang K-12 program noong 2013, mukhang lumala ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa dahil ipinilit ang programang ito na hindi napaghandaan.

Lalong walang natutunan ang mga estudyante dahil imbes na whole day ang kanilang pasok ay naging kalahating araw na lang (sa karamihan sa mga eskuwelahan) dahil may ibang gagamit sa classrooms.

Sumikip pa lalo ang mga silid-aralan dahil walang idinag­dag na pasilidad bago ipinatupad ang programang ito at kapag hindi bababa sa 50 estudyante ang nasa isang klases, papaano sila matututukan ng mga guro?

Ang epekto, bahala kayo sa buhay n’yo kung may natutunan kayo o wala dahil papaano naman matuturuan nina ma’am at sir ang 50 estudyante sa isang silid-aralan sa loob lang ng isang oras na klase?

Bukod sa walang itinayong karagdagang silid-aralan ay wala ring sapat na guro dahil hindi rin sila dinagdagan kaya ‘yung mga dating teacher sa high school itinapon sa junior at senior high school.

Lalong naging kawawa ang mga estudyante dahil marami sa kanila ang hindi nakababasa, hindi nakaiintindi sa kanilang ­binabasa at hindi rin sila marunong magsulat. Hindi ito nakagugulat dahil hindi sila kayang tutukan lahat ng kanilang mga teacher.

Kung baga sa giyera, ang mga estudyante ang biktima dahil isinabak ang mga guro na kulang ang puwersa dahil kulang sila at walang armas dahil kulang ang text books at higit sa lahat, walang sapat na silid-aralan.

Ang higit sa lahat, kawawa ang mga magulang sa K-12 ­program dahil imbes na ­makatapos agad ang kanilang mga anak ay nadagdagan ng 2 taon ang kanilang budget sa ­edukasyon lalo na sa private schools.

Nagtataka naman kasi ako kina Noynoy (sumalangit nawa) at Luistro, bakit masyado nilang inaalala ang sasabihin ng ibansa eh sa matagal na panahon, matindi ang kalidad ng mga Pinoy sa edukasyon kaya nga marami sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa na hindi naman bahagi ng K-12 program eh.

Sana matuloy ang ­pagrebyu sa programang ito at kung kina­kailangan, ibalik sa dating programa.

250

Related posts

Leave a Comment