MARIIN ang utos ng bagong talagang kalihim ng Department of Social Welfare and Development sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) na hindi na puwedeng isanla ang kanilang cash card.
Ito ang naging babala ni Secretary Erwin Tulfo sa mga miyembro ng government’s conditional cash transfer (CCT) program.
Kung sino man umano ang lalabag sa kautusan ay mananagot at maaari itong tanggalin bilang benepisyaryo.
Maging ang sino mang tumanggap ng sangla kapalit ng cash ay mananagot din, ayon pa kay Tulfo
Sa isang panayam, sinabi ni Tulfo na maraming natatanggap na mga reklamo ang kanyang opisina na karamihan sa benepisyaryo ng (4Ps) ay isinasangla ang kanilang card.
“I would like to take this opportunity to warn the loan sharks ‘yung mga tumatanggap, bawal po ‘yan, na tumanggap ng isasanla sa inyo na ika nga cash card kasi labag sa batas ‘yan, you could go to jail, you could end up in jail,” babala ni Tulfo.
Bukod dito, ginagamit din umano na pantaya sa sugal ang naturang card ng 4Ps.
“Nagsusumbong din kasi relatives nila, mga relatives na nakasama sa 4Ps, pinsan niya, sila nagsusumbong na sinasabi, sinasangla, ‘yun ang hinahabol namin, ‘yun ang iniimbestigahan. Marami na rin kaming natanggal na sinugal, ipinang-inom lang,” dugtong pa ng kalihim.
Dahil dito, ang tanggapan ng DSWD ay kasalukuyang nililinis ang listahan ng 4Ps upang mabatid kung sino-sino ang karapat-dapat na maging benepisyaryo.
Isinasailalim din ng DSWD sa ‘screening’ ang mga miyembro ng bawat pamilya kung ang mga ito ay pasok na maging kaanib ng 4Ps.
Maging si Samahan ng Nagkakaisang Pamilyang Pantawid national president Jeana Catacio ay nabigla rin sa nakarating sa kanyang reklamo.
“Siyempre medyo nagulat ako at ang aming samahan na may biglaang ganitong inilabas na statement,” pahayag ni Catacio.
“Medyo mahirap paniwalaan kasi ang daming pagdadaanan proseso ng beneficiary para maging kwalipikado, dadaan pa sa interview, pangalawa sa evaluation, pangatlo, binababaan talaga ng DSWD staff,” dugtong pa nito. (RENE CRISOSTOMO)
1131 