JOB SECURITY NG MEDIA, OBRERO PINATITIYAK

DALAWANG panukalang batas ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na may kaugnayan sa job security ng media workers at maging ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor.

Base sa House Bill (HB) No. 304  o “Media Workers’ Welfare Act,” na inakda nina CamSur Reps. Miguel Luis Villafuerte at Tsuyoshi Anthony Horibata, at Bicol Saro Rep. Nicolas Enciso VIII, nais ng mga ito na matiyak na maibigay ang karampatang benepisyo, seguridad at tamang sahod sa mga manggagawa sa media.

“Media workers risk their own lives being exposed to the perils and hazards outdoors just so we can receive our needed information. It is unfortunate that the very same people behind it are usually the ones whose labor rights are ignored, such as those pertaining to security of tenure, hazard pay, night shift differential pay and overtime pay, among others,” ayon sa panukala ng mga Bikolanong mambabatas.

Nais ng mga ito na magtatag ng News Media Tripartite Council na kahalintulad ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board na magdedermina ng tamang sahod ng media workers, at kasama sa trabaho ng konseho ang pagtitiyak na maibigay ang ibang benepisyo tulad ng insurance at iba pa.

Sa kabilang dako, inihain naman ng mga militanteng mambabatas ang HB No.2173 o “Pro-worker Security of Tenure Act” na naglalayong burahin nang tuluyan ang Endo scheme ng mga employer para makaiwas na ma-regular ang kanilang mga empleyado.

Ayon sa panukala ng Makabayan bloc solons, umabot sa 25 million manggagawa ang hindi regular sa kanilang trabaho o katumbas ng 60% sa total employed workers sa bansa.

Dahil dito, kailangang proteksyunan anila ang karapatan ng mga manggagawa dahil bukod sa walang seguridad ang mga ito sa kanilang trabaho ay mabababa o kaya ay walang benepisyo, walang social insurance protection, at pinagkakaitan ang mga ito ng kanilang karapatan na mag-organisa.

“In general, contractualization is aimed at pressing down worker’s wage and benefit, while further increasing the capitalist’s profits,” banggit pa sa nasabing panukala ng mga progresibong mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

231

Related posts

Leave a Comment