NAGULANGAN NG CHINA SI DIGONG?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

MUKHANG nagulangan ni Chinese President Xi Jinping si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil binusog ito ng pangako kapalit ng kanyang pag-pivot sa China pero lahat ay napako.

Kung baga, natanso si Duterte dahil sa $24 billion na pangakong pautang ng China sa kanya ay $1.1 billion lamang ang tinupad kaya ‘yung ipinagmamalaki niyang railway project sa Mindanao kung saan siya nagmula, ay hindi nagawa.

Hindi naman lingid sa ating lahat na masyadong malapit si Duterte sa China at binalewala ang western countries dahil akala niya tutuparin ni Xi Jinping ang lahat ng mga pangako sa kanya.

Dahil sa pangakong ‘yan, laging ipinapamukha ni Digong sa mga Filipino na ang laki ng utang na loob ng Pilipinas sa China. I beg to disagree, sabi ng karamihan sa ating mga kababayan. Baka siya lang ang may malaking utang na loob sa mga Chino, sabi pa nila.

Pero sa loob ng anim na taon ni Digong, nagpista ang China lalo na sa West Philippine Sea (WPS), dahil biglang dumami ang malalaking fishing vessels sa ating teritoryo at hindi man lang kinontra ito ng dating Pangulo.

Baka ‘yung $1.1 billion o katumbas ng halos P59 billion ay nabawi na agad ng China sa mga isda pa lamang na hinakot nila mula WPS sa nakaraang anim na taon. Baka sumobra pa nga eh.

Hindi natunugan ni Digong na matagal nang magulang ang China dahil hindi lang sa atin nila ginagawa ang panggugulang kundi sa ibang maliliit at mahirap na bansa tulad ng Sri Lanka.

Pinautang nang pinautang ng China ang Sri Lanka at nang hindi sila makabayad ng utang ay kinuha nila ang kanilang pantalan kaya lalong nabaon ang bansang ito na naging dahilan kaya nagkarebolusyon.

Nagulangan na rin ng China ang Pinas noong 2012 sa Scarborough Shoal na sakop ng Zambales dahil nang magkaroon ng standoff ang kanilang navy at ating navy, gumitna ang Amerika para maiwasang magkaputukan na posibleng pagsi­mulan ng giyera.

Nagkasundo ang Pinas at China na parehong umalis sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc na traditional fishing ground ng mga mangingisdang Pinoy kaya umalis ang Philippine Navy pero ang Chinese Navy ay hindi umalis. Magulang nga eh…

Mukhang hindi nabasa ni Digong na matagal nang magulang ang China kaya nabitag siya at ngayon, ang ipinagmamalaki niyang mga proyekto sa simula pa lamang ng kanyang administrasyon, ay naglaho. Nganga!

Pero ok lang ‘yan na hindi masyadong nabaon ang Pinas sa utang sa China dahil kung hindi ay baka mas malala ang ­mangyayari sa atin lalo na’t sekreto ang kasunduan sa lahat ng ipinangakong mga proyekto ng Chino, at maiwasan nating magaya sa Sri Lanka.

Isa pa, masyadong mataas ang interest rate ng China sa kanilang pautang na umaabot ng 3.3% per annum pero ang ibang bansa lalo na ang Japan ay 0.76% lang. Ang layo ng diperensya bukod sa mas maiksi ang ibinibigay na maturity period ng China dahil hanggang 18 taon lang gayung 35 taon sa Japan.

Hindi lang ang China ang may pera, ika nga ng ibang lider ng bansa. Marami riyan ang mas mapera sa kanila at hindi nanggugulang at walang personal na interes sa ating teritoryo.

140

Related posts

Leave a Comment