BI SUPERVISOR SA NAIA, INILUSOT SA PASTILLAS?

BISTADOR Ni RUDY SIM

NAGSILBING bagwoman umano ang isang batang immigration supervisor sa nagdaang opisyales ng Bureau of Immigration (BI) na isinangkot at nakasuhan sa Pastillas scheme ngunit ito’y inilusot na lamang na hindi makasuhan sa naging partisipasyon nito.

Planong pagpapakasal at pagkasilaw sa salapi ng tauhan ng Travel Control Enforcement Unit (TCEU) na si alias “KS” na immigration supervisor sa NAIA, ang nakikitang dahilan kung bakit ito nasangkot muli sa pagpapalusot ng pasahero palabas ng ­bansa kapalit ang malaking halaga.

Bagamat mahigpit ang bilin ni Pangulong Ferdinand ­”Bongbong” Marcos Jr. na tigilan na ang katiwalian ng ilang mga tauhan ng BI sa kanyang administrasyon ay tila napakalakas ng loob nitong bata pang babaeng immigration supervisor na magpalusot ng mga kababayan na­ting umaalis ng bansa kahit ang mga ito ay walang kaukulang dokumento.

Sino kaya ang pinagsisilbihan nitong si alias “KS” na nagbigay sa kanya ng pahintulot? Ano kaya ang gagawin at alam kaya ito ng inilagay na BI-OIC Deputy Commissioner, at Intelligence Chief Fortunato “Jun” Manahan na siyang nakasasakop sa TCEU o magiging bulag-bulagan na lamang ito at hahayaan na lamang kaya nito ang kanyang tauhan na manatili sa airport?

Si Manahan ang isa sa mga opisyal ng BI na makapangyarihan dahil kamag-anak ito ni Manong Chavit, at ang kanyang ina ay opisyal ng SBMA at ang kapatid naman na babae na si Carmelita Talusan ay District Collector ng Bureau of Customs sa NAIA.

Maging ang mga kasamahan umano ni “KS” sa NAIA ay sukang-suka sa gawain nito dahil ito ay nakasisira sa reputasyon ng ahensya na pilit nilang binabago matapos ang “Pastillas scheme” na sumabog dahil sa pagiging ganid sa salapi ng nagdaang namuno sa BI.

Ayon sa nakalap nating impormasyon ay tila pinahina na lamang ang kaso ng ilang opisyales na nakasuhan sa Sandiganbayan sa kanilang kaugnayan sa Pastillas scheme at posibleng mabasura na lamang ito.

Bagamat hindi lahat ng isinangkot dito ay mayroong ­kinalaman at iilan lamang sa kanila ang kumita noon, ay dapat din na maibalik sa kanilang trabaho sa BI ang mga inosente na idinamay lamang at ang mga responsable ay hindi na dapat bigyan ng ano mang puwesto sa pamahalaan.

Samantala, isang text message ang ating natanggap mula sa isang impormante na mayroon daw isang secret bank account itong Pastillas boys? Aba, saan kaya galing ang pondo? Hmm… totoo kaya ito o isang tsismis lamang?

Kamakailan ay naging ­problema ng ordinaryong immigration officers ang kanilang piyansa matapos iakyat ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang kanilang kaso.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

261

Related posts

Leave a Comment