CMG MAGSASAMPA NA RAW NG KASO LABAN SA AMING TAO SA DUBAI

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

TINATAKOT ng may-ari ng CMG ang aming official ­correspondent sa UAE na si Mr. Alan Avila. Ayon sa huling ­pakikipag-usap namin dito, tinawagan daw siya ni Michelle Guinto, may-ari ng CMG, upang sabihin na magsasampa na raw sila ng pormal na reklamo laban sa kanya.

Ang reklamo ay nag-ugat sa kuhang video ni Alan nang magpunta siya sa opisina ng CMG sa Dubai upang kunin sana ang pahayag ng mga tao ukol sa mga reklamong aming natanggap tungkol sa mga padala ng ating mga kababayan na nakabase sa naturang bansa na hindi pa rin nakararating sa kanilang mga pamilya magpasa-hanggang ngayon.

Sa naturang video at report ni Alan, makikitang sarado ang opisina ng CMG nang kanya itong puntahan kahit pa tanghaling tapat na at regular working day at hindi holiday. Makikita rin sa video na bukas ang mga katabing negosyo ng CMG at sa pagtatanong-tanong nito, nalaman sa mga tao sa paligid na ilang linggo na raw sarado ang cargo firm.

Ito ay sinegundahan din ng mga nagrereklamong OFW na napanood ang aming panayam sa nagpakilalang empleyado raw ng CMG dito sa Pinas na si Let Yandan. Ayon sa mga mensahe ng mga ito, totoo raw ang report ni Alan dahil sila mismo ay nagpabalik-balik sa naturang opisina na taliwas sa mga sinabi ni “Let” na nagkataong lumabas daw ang kanilang empleyado nang pumunta si Alan.

Matatandaang una na ­naming inalis ang video matapos na i-post sa unang pagkakataon nang bantaan ng CMG si Alan ng kaso pero muling ibinalik nang malaman na wala namang ­nalalabag na batas sa Dubai ang nag-viral na video dahil hindi naman ito makakaapekto sa imahe ng naturang bansa.

Ipinipilit nila Michelle Guinto na bawal kunan ng video o larawan ang isang establi­simyento nang walang pahintulot sa may-ari. Ito ay isa sa mga naging sentro ng aming panayam kay Let ng CMG dahil ginamit kong halimbawa ang mga OFW na kumuha ng larawan at video ng kanilang opisina at ipinost sa social media at sinabing wala ngang tao rito.

Nangatwiran ito na magkaiba raw ng sitwasyon ang aking ginamit na halimbawa dahil ang kuha raw ni Alan ay isang report samantalang pangsarili lang ang kuha ng mga OFW kahit pa pareho rin ang content nito.

Ilan beses na rin naming tinangkang kunin ang panig ng CMG sa ngalan ng patas na pamamahayag ngunit patuloy na tumatanggi ang mga ito bago nagpaunlak ng interview ito ngang si Let Yandan na nagpakilalang admin officer na hindi naman nasagot nang maayos ang aming mga katanungan na may kinalaman sa pitong cargo container na kanilang pinabayaan sa Bureau of Customs.

Patuloy pa rin naming tututukan ang reklamong ito hanggang sa mai-deliver na ang mga padala ng ating mga kapatid na OFWs sa kanilang mga pamilya.

207

Related posts

Leave a Comment