DU30, FVR ‘DI SIGURADO KUNG DADALO SA SONA

KUMPIRMADO na ang pagdalo nina dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada at Gloria Macapagal Arroyo, sa kinapapanabikang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 25, sa Batasang Pambansa.

Gayunpaman, nananatiling palaisipan pa rin kung sisipot sina dating Pangulong Fidel Ramos na una nang napaulat na mahina na ang pangangatawan bunsod ng katandaan habang si dating Pangulong Rodrigo Duterte naman ay wala pang pasabi hanggang sa mga oras na isinusulat ang balitang ito.

Sa isang ambush interview, inaasahan naman ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza ang pagdating ni Vice President Sara Duterte para pakinggan ang unang SONA ni Marcos Jr.

“I think sa morning pa lang, she (VP Duterte) will be here na,” ani Mendoza.

Sa mga nakalipas na panahon, naging tradisyon ang pagdalo ng mga dating pinuno ng bansa tuwing maghahayag ng SONA ang nakaupong Pangulo.

Sa hanay ng mga dating Vice-Presidents tulad nina Atty. Leni Robredo, Jejomar Binay at broadcast journalist Noli de Castro , wala maski isa sa kanila ang nagpahiwatig ng pagdalo sa unang SONA ni Marcos Jr.

Ayon pa kay Mendoza, nasa 3,600 kabilang ang diplomatic corps, gobernador mula sa iba’t ibang lalawigan at mga miyembro ng gabinete ang inimbitahan para dumalo at saksihan ang unang SONA ni MJr. Sa nasabing bilang 80% ang kumpirmadong dadalo.

Samantala, selyado na rin ang Batasan Pambansa maliban sa mga taong bahagi g paghahanda sa pinananabikang SONA sa Lunes.

Sinimulan na rin ikalat ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Presidential Security Group (PSG) sa paligid ng Batasan.

Sa kaugnay na balita, pinalawig pa ng dalawang oras ang trabaho ng mga pulis sa gawing bahagi ng southern Metro Manila, batay na rin sa direktiba ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Felipe Natividad.

Ayon kay Southern Police District (SPD) director Brigadier General Jimili Macaraeg, mas marami ang itatalaga sa lansangan upang tiyakin ang kaayusan sa mismong araw ng talumpati ng Pangulo. Sa datos ng SPD director, nasa 482 personnel mula sa District Headquarter at District Mobile Force Brigade, bukod pa sa 1,378 pulis sa kanyang nasasakupang distrito ang inatasang maging mas alerto sa takdang araw ng SONA.

Samantala, umaasa si Senador Sonny Angara na maririnig sa SONA ni Pangulong Marcos Jr. ang detalye ng roadmap para sa bansa sa susunod na anim na taon.

Sa pahayag, partikular na interesado si Angara sa mga espisipikong plano ng Pangulo na makipagtulungan sa pribadong sektor bilang magkapartner.

“Ito po ang unang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos at marami ang natuwa sa kanyang inaugural speech nung sinabi niyang gusto niyang makitang maging partner ng pribadong sektor ang gobyerno,” ayon kay Angara.

“Kaya, maraming naghihintay kung paano niyang maisasakatuparan itong tema o pilosopiya niya at mabigyan ng pag-asa ang ating mga kababayan dito sa darating na anim na taon,” dagdag ni Angara.

Nakalipas ang dalawang taong halos walang aktibidad sa lahat ng sektor sanhi ng COVID-19 pandemic, nagsimula nang magbukas ang ekonomiya ulit.

Aniya, kahit marami nang negosyo ang nagbalik sa operasyon, mas marami pang hindi makapagsimula sanhi ng pagkalugi na dinanas sa loob ng dalawang taon.

Sinabi ni Angara na tulad ng nakararaming Pilipino, gustong marinig ng karamihan ang plano ng Pangulo sa pagbabangon ng ekonomiya at pagtugon sa iba’t ibang pangangailangan ng ilang sektor na apektado ng pandemya. (BERNARD TAGUINOD/DAVE MEDINA/ESTONG REYES)

250

Related posts

Leave a Comment