NASA 35 ruta ng mga pumapasadang bus sa Metro Manila ang planong buksan muli ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bilang bahagi ng isinasagawang paghahanda ng pamahalaan sa pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralan pagsapit ng Agosto.
“In response dito sa magiging face-to-face classes natin, ang pagbubukas ng mga dating ruta [ng mga bus] ay tinutukan namin ngayon. May mga na-identify na kami [na] at least mga 35 routes na ma-o-open na sana bago mag-start ng face-to-face classes,” ayon kay LTFRB Chairperson Cheloy Garafil.
Nakatakda ang pagbubukas ng klase sa lahat ng antas ng school year 2022-2023 sa ika-22 ng Agosto. Mananatili naman ang pinaghalong “learning modality” kung saan pahihintulutan pa rin ang online classes sa mga lugar kung saan may mga naitalang mataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Gayunpaman, inaasahan ang malawakang implementasyon ng face-to-face classes sa Nobyembre ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Garafil, 30% lamang ng mga lumang ruta ng bus ang maibabalik – kabilang ang loob ng University Belt sa lungsod ng Maynila, South hanggang Lawton, North hanggang sa mga kalapit na lugar ng paaralan at maging sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City
“‘Yung 30 percent initially, ‘yan ‘yong mag-a-address do’n sa need na mabuksan ‘yong mga lumang ruta to respond to the face-to-face classes,” ani pa ng LTFRB chairperson.
“Marami diyan [sa mga ruta] ‘yong sa University Belt, marami diyan from the South going to Lawton, marami dyan from Commonwealth area, at tsaka marami din diyan from the North going to [sa] mga school areas natin,” dagdag pa nito.
Paniwala naman ng nasabing opisyal, isang mabigat na hamon ang pagpapanumbalik ng 100% ng mga lumang ruta ng bus, lalo pa’t mananatili ang bias ng programang EDSA Busway Carousel hanggang sa katapusan ng taon.
Pinawi naman ni Garafil ang agam-agam ng mga pampublikong sasakyan nang kanyang sabihin na posible pa rin aniya ang pagbubukas ng iba pang ruta ng bus sa 100% capacity sa susunod na taon – sa kondisyong maabot g pamahalaan ang target na bilang ng mga bakunado sa 1st, 2nd at booster shots sa pagpasok ng susunod na taon. (PAOLO SANTOS)
250 