DPA Ni BERNARD TAGUINOD
MAY ilang panukalang batas na ang nakahain sa Kamara para ipagpaliban sa ikalawang pagkakataon ang eleksyon ng Barangay at Sangguniang kabataan (SK) officials.
Kung ang taumbayan talaga ang masusunod, ayaw nilang ipagpaliban ang eleksyong ito na gaganapin sa December 5, 2022 dahil dalawang taon nang extended ang mga ito sa kanilang puwesto at posibleng madagdagan pa ng isa pang taon.
Huling nagkaroon ng Barangay at SK election sa Pilipinas noong May 14, 2018 at dapat nagkaroon ng eleksyon noong May 2020 dahil tatlong taon lamang sila dapat manungkulan.
Pero gumawa ng batas ang Kongreso na ipagpaliban ito sa December 5, 2022 para raw makatipid ang gobyerno lalo na’t katatapos lang ang midterm election noong May 2019.
Malamang na muling ipagpaliban ang eleksyon na ang pangunahing dahilan na naman ay para makatipid ang gobyerno ng P8.2 billion at magamit ang pera sa kapakipakinabang na mga bagay.
Mukhang idinadahilan na lang ito para makaiwas din ang mga congressman, governors at mayors na magastusan na naman sila lalo na’t katatapos lang nilang gumastos sa kanilang reelection.
Hindi kasi lingid sa kaalaman ng lahat na may kanya-kanyang bata ang mga pulitiko na barangay officials sa nasasakupan nilang lugar na kailangan nilang tulungan sa gastusin kapag nagkaroon ng halalan.
Ang laking tulong kasi ng barangay officials kapag sila ay tumatakbo kahit pa laging ipinalalabas na hindi sila dapat makialam sa eleksyon ng mga congressman, governor at mayor sa kanilang lugar. Hindi ‘yan nangyayari sa totoo lang!
Sila ang karaniwang ginagamit sa kampanya ng mga pulitiko at bagama’t marami sa kanila, hindi naman siguro lahat, ay namamangka sa dalawang ilog o sa magkalabang kandidato, ay hindi maitatanggi na malaki ang kanilang tulong sa panahon ng eleksyon ng mga nakatataas sa kanila.
Kung hindi tutulungan ni Congressman, Governor at Mayor ang kanilang mga alagang kapitan at mga konsehal sa gastusin sa kanilang reeleksyon, malaki ang mawawala sa kanila.
Pero ang lugi rito ay ang mga constituent ng barangay officials lalo na ‘yung mga walang silbi at hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kanilang mga kabarangay.
Sa totoo lang, ang daming nagsasabi sa ibaba na dapat matuloy ang barangay at SK election para mapalitan na ang kanilang opisyales na hindi naman nagtatrabaho at walang alam.
‘Yung mga nagsasabi na ipagpaliban ang eleksyon bilang gantimpala sa barangay officials na nagtrabaho naman noong panahon ng pandemya, papaano naman ‘yung walang ginagawa, hindi ba?
Kung magaling si Kap at mga Konsehal nito, mahahalal at mahahalal ulit ‘yan kaya dapat ituloy ang eleksyon.
204 