SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA
KARAPAT-DAPAT ang pangalang Victor ni Executive Secretary Victor Rodriguez sapagkat siya ang naging susi sa pagkapanalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Siya ang humarap sa publiko at nagsilbing tagapagtanggol ng pangulo laban sa mga kritiko at tumulong sa paglalatag ng mga plataporma at programa ng pangulo para sa mamamayan.
Dahil sa kanyang katapatan at pagiging long-time chief of staff ng presidente, itinalaga siya bilang Executive Secretary. Sa ating bansa, ang executive secretary ay itinuturing na “Little
President” dahil sa kaakibat na responsibilidad na kanyang gagampanan.
Bilang executive secretary, may kakayahan si Atty. Rodriguez na pirmahan ang mga executive order at mahahalagang dokumento sa bisa ng approval ng pangulo. Maaari niyang suriin at baguhin ang mga desisyon ng mga miyembro ng gabinete sa bisa ng “appeal” sa pangulo, at gawin ang ilan sa kanyang mga tungkulin, mapa-isyu man sa loob o labas ng bansa.
Noon pa man ay nasa puso na ni Atty. Rodriguez ang pagsisilbi sa bayan. Sa edad na 19, siya ang isa sa mga pinakabatang kapitan ng barangay kung saan pinasara niya ang mga ilegal na aktibidad sa Tomas Morato sa Quezon City. Dahil sa kanya, isa na ngayon ang Tomas Morato sa mga dinadayong barangay ng Quezon City.
Sa kanyang pagkakatalaga bilang executive secretary, ipinangako ni Rodriguez na siya “ay maglilingkod nang buong husay, walang pag-iimbot, at ng buong katapatan.”
Noon pa man, nakatuon na siya sa buong-pusong paglilingkod bilang Executive Secretary ng bansa, kung saan isa sa kanyang pinagtutuunan ng pansin ay ang patuloy na pagtataguyod ng pagkakaisa at pakikipagtulungan sa lahat ng ahensya ng gobyerno para sa kapakanan ng bawat Pilipino at ang pagtutuon sa pagpapabuti ng ating ekonomiya.
Isa si Atty. Rodriguez sa mga indibidwal na kinakailangan ng bansa dahil sa lubos niyang pagkakakilala sa pangulo, isang bentahe niya sa pagganap ng kanyang tungkulin sa pamahalaan. Sa kanyang katapatan at pagkakakilala kay PBBM, siya ang magsisilbing epektibong boses ng bansa at representasyon ng pangulo.
Ang pamimili ng mga taong mamamahala sa bawat departamento ng bansa ay napaka-komplikadong proseso na nangangailangan ng masusing pagsisiyasat, at isa si PBBM, katuwang si Atty. Rodriguez, sa mga testamento nito dahil masusi niyang pinipili ang bawat aplikante na maaari niyang italaga upang pamunuan ang isang departamento.
Malaking biyaya ang pagkakaroon ng isang mahusay na public servant at aking mariing pinaninindigan na si Atty. Rodriguez ay magiging mahusay, maaasahan at matatag na kahalili ng pangulo para maisayos ang muling pagbangon ng bayan.
Bukod sa kanyang katapatan at taos-pusong paglilingkod, naging saksi tayo sa kanyang propesyunalismo sa mga kaliwat kanan niyang pagharap sa napakaraming isyu para ipagtanggol at ilatag ang mga plataporma ni PBBM para sa mamamayan.
Ang kanyang depensa para sa pangulo ay sumasalamin sa kung paano niya rin kakayaning depensahan ang ating bansa sa mga isyung ating kahaharapin.
Suportahan natin ang kanyang mga plano at plataporma, bilang suporta natin sa pagbangon ng bansa.
216 