MANILA MAYOR SINOPLA NG DATING KONSEHAL

PINANINDIGAN ng kampo ni dating Councilor Pablo “Chikee” Ocampo na naka-move on na sila taliwas sa pinangalandakan ni Manila Mayor Honey Lacuna na ayaw pang tanggapin ng konsehal at ng Team Pagbabago ang kanilang pagkatalo sa nakalipas na eleksyon.

Sa isang mini presscon sa San Miguel, Manila, hindi na napigilan ni Ocampo ang bugso ng galit sa nakaupong alkalde.

Hindi rin nito napigilang maglabas ng sama ng loob sa aniya’y malawakang dayaan at vote-buying sa nakalipas na halalan.

Nagbanta pa si Ocampo na kung hindi titigil sa mga patutsada ang alkalde ay maglalabas sila ni Atty. Alex Lopez ng mas mabigat pang ebidensya kaugnay umano ng nangyaring malawakang dayaan.

“Sa kagustuhan mong magyabang, maraming nagulat at nagtakang Manilenyo sa malaking boto mo, unprecedented sa history ng eleksyon sa Maynila na ngayon lang nakakuha ng mataas na boto ang mayor, tinalo pa ang bilang ng boto ni Isko Moreno sa pagka-pangulo,” litanya pa ni Ocampo.

Tinawag ding sinungaling ni Ocampo si Mayor Lacuna matapos sabihin ng mayora sa isang interview sa government station na hindi nasangkot sa alinmang anomalya ang kanyang pamilya.

Naisoli na raw ba ng kanyang amang si dating Vice Mayor Danilo Lacuna ang mahigit P9 milyon kaugnay ng ilegal na transaksyon sa city hall noong ito pa ang nasa katungkulan?
Maging ang pagbebenta ng ari-arian at paggiba sa mga barangay hall na hindi kakampi ng Team Asenso ay muling inungkat ni Ocampo.

“Labas n’yo mga dokumento for the sake of transparency. Kami marami nang ebidensya, tsunami ito,” dagdag pa ng dating konsehal. (JULIET PACOT)

405

Related posts

Leave a Comment