NATIONAL “BOOSTER DRIVE” INILUNSAD NG DOH

NAGLUNSAD ang  Department of Health (DOH) ng pambansang “booster drive” campaign na layong maturukan ng booster vaccine kontra COVID-19 ang 50% ng eligible population ng bansa sa loob ng unang 100 araw ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Romualdez “Bongbong ” Marcos Jr.

Target ng DOH na maturukan ang nasa 23.8 milyong indibidwal sa kampanya na tinawag na “PINASLAKAS” drive.  Inilunsad ito kahapon sa Parañaque Integrated Terminal Exchange.

Layon din ng kampanya na gawing immune kontra sa virus ang 90% ng target na senior citizen population ng bansa.

Sinabi ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire, officer-in-charge ng DOH, ang kampanya ay pagtugon sa pagnanais ni Pangulong Marcos na mailapit pa ang “essential health services” sa mga Pilipino.

Ibibigay ang booster vaccine sa mga lugar-paggawa, mga pabrika, paaralan, lugar ng pagsamba, mga plaza, malls, at transport terminals.

“Sa pagtanggap ng booster makapag-hanapbuhay tayong lahat nang mas ligtas, maaaring magsimula or manatiling bukas ang negosyo, mas magiging ligtas ang pagbabalik eskwela ng ating mga anak, manunumbalik ang turismo, makasasamba at maitutuloy na ang gawaing pananampalataya,” ayon kay Vergeire.

Sa 71.5 milyon na nakakumpleto na ng “primary series” ng bakuna, nasa 15.9 milyon pa lamang ang natuturukan ng inisyal na booster shot. (RENE CRISOSTOMO)

119

Related posts

Leave a Comment