CAVITE – Bangkay na nang maiahon ang pito pang mga biktima ng pagguho ng tulay na bakal sa Dasmariñas City noong Martes ng gabi makaraang marekober ang mga ito noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang pito na sina Jasper Uy y Mangoang, 15; Angeline Villanueva y Perez, 17; Wally Reneda y Perez, 17; John Lester Wee y Sumayod, 15; Haslen Vinas y Mirabel, 15; Jericho Batin Nepomuceno; 13, at Cyrus Lagrimas y Tolentino, 15; pawang residente ng Sitio Talisayan, Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City, Cavite.
Ang mga biktima ay pawang kinilala ng kani-kanilang pamilya.
Matatandaan na unang namatay ang biktimang si John Michael Beltran y Pamel, 17, na isinugod sa Pagamutan ng Dasmariñas City, habang lima naman sa kanila ang kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa nasabi ring ospital.
Ayon kay P/Lt. Col. Juan Oruga Jr., Officer-in-charge ng Dasmariñas City Police, sa isinagawang retrieval operation, dakong alas-5:52 ng hapon noong Miyerkoles nang marekober ang bangkay ng apat ng nawawalang kabataan habang alas-9:00 ng gabi noong Miyerkoles nang natagpuan ang bangkay ng dalawa pang kabataan at alas-2:15 nitong Huwebes ng hapon narekober ang bangkay ng huling menor de edad na nawawala.
Sinabi naman ni Ariel San Gabriel, City Administrator ng Dasmarinas City, bilang pakikiramay at pagtulong sa mga kaanak na naulila, sinagot na ng pamahalaang lungsod ng Dasmariñas ang burol at pagpapalibing sa mga namatay na pawang mga kabataan.
Paliwanag ni San Gabriel, ang nasabing tulay na gawa sa bakal ay matagal nang ipinasara sa publiko bagama’t isang bahagi ng tulay ay maaaring daanan patawid, gayunman sa kabila ng warning signs na inilagay rito ay binabalewala pa rin ito partikular ng mga kabataan na mahilig tumambay sa lugar.
Magugunitang gumuho ang tulay sa Tabing Ilog sa Sitio Talisayan, Dasmariñas City, Cavite dakong alas-9:00 noong Martes ng gabi kung saan 13 na mga kabataan na umano’y nakatambay at nagti-Tiktok sa lugar, ang bumulusok sa ilog. (SIGFRED ADSUARA)
