TINATAYANG nasa P3.4 milyong halaga ng hinihinalang crystal meth (shabu) ang nasabat sa inilunsad na anti-narcotics operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Bubong Road, Tamontaka 1, Cotabato City noong Miyerkoles ng madaling araw.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa isang high value target na kinilalang si Buhare Tutin Abusupian alyas “Warex Guinno Abusupian” at alyas Tutin/alias Misuari”, 22, may asawa, at residente ng Barangay Damablac, Talayan, Maguindanao.
Si Abusupian ay siyang responsable umano sa pagpapalaganap ng illegal drugs sa kalapit na mga bayan sa Maguindanao at Cotabato City.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, nakumpiska sa operasyon ang sampung piraso ng plastic sachet ng shabu na may timbang na tinatayang 500 gramo na nagkakahalaga ng P3.4 milyon, ang ginamit na buy-bust money, at isang unit ng mobile phone na ginamit ng suspek sa pakikipagtransaksyon sa mga parukyano.
Sa ulat na natanggap ni DG Villanueva, naglatag ng joint buy-bust operation ang mga tauhan ng PDEA BARMM, PNP-Maritime, 99th Infantry Battalion, Philippine Army, CCPO-Police Station 3, NBI BARMM, HPG-BAR, DOS-MPS, at CCPO-CDEU na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nasa kustodiya na ngayon ng PDEA BARMM Jail Facility ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)
447
