NAGLUNSAD ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng iba’t ibang aid programs para sa mga biktima ng lindol sa Northern Luzon.
Ayon sa pahayag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ang naturang hakbang ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa concerned state agencies na tumulong sa mga tinamaan ng lindol sa Region 1 at Cordillera Administrative Region.
Aniya, naglaan ang ahensya ng inisyal na P50 milyon para sa emergency employment ng mga residente ng dalawang rehiyon.
Ayon sa DOLE, ang Ilocos Sur ang epicenter ng 7-magnitude na lindol na tumama sa Luzon nitong unang bahagi ng linggo. Bukod sa pagkamatay ng apat katao at pagkasugat ng daan-daang biktima, nawasak din ng malakas na pagyanig ang mga ari-arian na nagkakahalaga ng bilyong piso, na nagresulta sa pagsasara ng mga tindahan at pagkawala ng mga trabaho.
Hindi nag-aksaya ng panahon ang DOLE para maghatid ng tulong sa Region 1 at CAR kung saan higit na naramdaman ang masamang epekto ng kamakailang kalamidad.
Upang mapalakas ang calamity response ng estado, sinabi ni Laguesma na sisimulan ng DOLE ang kanilang rehabilitation program para sa mga nawalan ng trabaho dahil sa trahedya.
“In particular, we are rolling out the Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers program for the quake victims,” dagdag ni Laguesma
Sinabi pa nito, na sasaklawin ng programa ang apat na apektadong munisipyo sa CAR kabilang ang 37 barangay sa rehiyon.
Sinabi ng labor chief na nagsimula na silang mag-profile ng mga benepisyaryo para sa TUPAD program.
Aniya, ang DOLE ay aktibong miyembro ng Rehabilitation and Recovery Cluster sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
“As such, we are mandated to reduce the vulnerability to risks of the poor and marginalized workers,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Laguesma, tinitingnan din ng DOLE na gumamit ng iba pang recovery measures na kinabibilangan ng employment facilitation sa pamamagitan ng Public Employment Services Office (PESO) para sa mga indibidwal na nawalan ng trabaho.
“The activity will include referral, placement, and the conduct of Special Risk Allowance (SRA) and job fairs in the region,” sabi pa ng kalihim.
Sa Rehiyon 1, naghatid ng tulong ang DOLE sa Ilocos Sur at nangakong tutulong sa ibang bahagi ng lalawigan sa mga susunod na araw.
Gamit ang TUPAD, sinabi ni Laguesma na nag-tap ang DOLE ng 800 emergency workers para lumahok sa paglilinis, at recycle operations sa Vigan City.
Ang mga katulad na gawain ay ipinatupad sa pitong iba pang mga bayan tulad ng Lidlidda, Sugpon, Caoayan, San Emilio, Galimuyod at Santa Cruz, pahayag pa nito.
“They started working yesterday (July 28) to provide help to affected communities,” sabi ng Labor Secretary, dagdag pa na kabuuang P4,666,400 ang inilaan para sa programa.
Sinabi pa ng kalihim na susuporta ito sa iba pang mga lugar na apektado ng sakuna.
“Help is on the way to the other three provinces of Region 1 where TUPAD will also come into play,” ayon pa sa Labor secretary.
Ang field offices ng DOLE sa Region 1 ay nakikipag-ugnayan na rin sa local government units at iba pang mga ahensya para sa convergent assistance.
Dagdag pa ng kalihim, ang TUPAD ay inisyal na hakbang ng DOLE upang tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng lindol.
“We shall tap other available programs very soon to help our needy countrymen,” dugtong pa ni Laguesma. (RENE CRISOSTOMO)
