SARI-SARING ARMAS KUMPISKADO SA GUN FOR HIRE GROUP MEMBER

QUEZON – Sari-saring mga armas at pampasabog ang nakumpiska ng mga awtoridad makaraang salakayin ang bahay ng isang umano’y miyembro ng gun for hire group sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga.

Gayunman, bigong maaresto ang nagmamay-ari ng mga armas at target ng operasyon na si Vicente Herrera na nagkataong wala sa bahay nang isilbi ng mga tauhan ng CIDG Quezon PFU at Quezon PNP, ang search warrant sa kanilang bahay sa Barangay Anastacia dakong alas-6:40 ng umaga.

Ikinustodiya naman ng mga awtoridad ang maybahay at dalawang anak na lalaki ng suspek na nadatnan sa bahay.

Ayon sa report ng Quezon PNP, nakuha sa raid ang 12 iba’t ibang klase ng baril, tatlong granada at sangkaterbang mga magazine at mga bala na pawang walang mga kaukulang papeles.

Kabilang sa nakuhang mga baril ang tatlong kalibre .45, isang caliber .45 Thompson submachine gun, isang US carbine at 3 shotgun.

Ayon pa sa report, ang 52- anyos na si Herrera ay miyembro ng gun for hire group na nag-o-operate sa mga probinsya sa CALABARZON.

Ang bahay umano ng suspek ang ginagawang meeting place ng grupo at siya ring taguan ng mga armas.

Ayon pa sa pulisya, dati rin umanong konektado sa kilusang NPA ang suspek.

Nakatakda itong sampahan ng CIDG ng kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). (NILOU DEL CARMEN)

272

Related posts

Leave a Comment