MATAPOS ipasuri sa mga eksperto, isang babala ang inilabas ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng P66-milyong halaga ng sibuyas na nasabat sa apat na dikit ng operasyon ng kawanihan nito lamang nakalipas na buwan.
Ayon sa kay Cris Angelo Andrade, tumatayong tagapagsalita ng BOC sa Northern Mindanao, hindi ligtas kainin o ikonsumo ng mga mamamayang Pilipino ang mga sibuyas na kinumpiska ng kanilang ahensya sa magkakahiwalay na operasyon kontra agri-smuggling sa naturang rehiyon.
Aniya, mismong ang Bureau of Plant Industry (BPI) ang naglabas ng resulta ng kanilang pagsusuri batay na rin sa kahilingan ng BOC.
Bagamat walang sinabi kung kailan, tiniyak naman ni Angelo na agad sisirain at ibabaon sa lupa ang mga kontaminadong agri-products mula sa bansang Tsina.
“There is a condemnation committee. However, I still do not know when the condemnation date is,” aniya.
Sa isang bukod na pahayag, sinabi naman ni BPI supervising agriculturist Manuel Barradas na ‘di hamak na mas makakatipid ang gobyerno kung wawasakin at ibabaon sa lupa ang mga kumpiskadong sibuyas kesa ibalik sa pinagmulan ng naturang kargamento.
“We don’t know what pest and disease these might bring that would infect our other crops here in Mindanao. This would also pose a human risk because we don’t know what preservatives or chemicals they used, this is a hazard to our consumers,” aniya.
Taong 2021 nang lumagda sa kasunduan ang BOC at Department of Agriculture (DA) para sa mahigpit na implementasyon ng mga reglamentong sadyang binalangkas sa hangaring wakasan ang agri-smuggling sa bansa.
213 