BAKUNADO O HINDI BABALIK SA F2F CLASSES

(ENOCK ECHAGUE)

KASAMANG magbabalik-eskwela ngayong Agosto ang mga estudyante, guro at non-teaching personnel na hindi bakunado.

Pagtiyak ng Department of Education (DepEd), walang hiwalay na patakaran na paiiralin sa pagbabalik ng face-to-face classes para sa mga bakunado at hindi.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DepEd Director Michael Poa, ito ay dahil nananatiling voluntary ang pagpapabakuna at hindi nila oobligahin ang mga ito na magpaturok kung ayaw.

Sa kabila nito, nakikipag-ugnayan aniya ang DepEd sa Department of Health (DOH) para magkaroon ng regular counselling sessions sa mga paaralan para sa mga magulang at kanilang mga anak hinggil sa kahalagahan ng pagpapabakuna at pagpapa-booster shot.

Kung sakali aniyang mahikayat ang mga ito na magpabakuna, magkakaroon sila ng vaccination rollout sa mga paaralan para maging mas madali na sa mga magulang at mga bata ang pagpapabakuna.

Samantala, sa hangaring pataasin ang antas at kalidad ng edukasyon, naglatag ang DepEd ng mga mekanismong huhubog sa kakayahan ng mga guro sa larangan ng pagtuturo, ayon kay Poa.

Higit aniyang kailangan linangin ang mga guro sa mga pampublikong paaralan sa napipintong pagbabalik-eskwela ngayong Agosto 22. Nakatakda rin aniyang bawasan ng kagawaran ang trabaho ng mga gurong inilarawan pa niyang “loaded” at “overworked.”

Bilang pambungad na aksyon, masusi na rin aniyang pinag-aaralan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang pagkuha ng mga dagdag empleyadong tututok sa mga trabahong administratibo para maituon ng mga guro ang kanilang atensyon sa pagtuturo.

Bahagi ng programang isinusulong ng naturang departamento ang anila’y “re-skilling” at up-skilling” kung saan sasariwain sa ilalim ng mga short courses ang tinatawag na “basic fundamentals” ng face-to-face classes.

Kamakailan lang, nagpahiwatig si Duterte sa Kongreso para madagdagan ang pondo ng kanyang departamento. Ang isinusulong na budget ng Kalihim – P800 bilyon para sa 2023 mula sa P631.77 bilyong alokasyon para sa kasalukuyang taon.

Bagamat mananatili ang “blended learning system pagsapit ng Agosto 22, umaasa naman ang DepEd na ganap nang maibabalik sa normal ang klase sa buong Pilipinas.

Sa DepEd Order 34 ni Duterte, mayroong 203-araw ang school year 2022-2033 na magtatapos sa Hunyo 7, 2023.

“There will be 203 school days or as may be determined by further issuances in case of changes in the school calendar due to unforeseen circumstances.”

281

Related posts

Leave a Comment