SINO ANG TAKOT SA ROTC?

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

NAKAPAGTATAKA ang ingay na nililikha ng panukalang pagbabalik ng programang Reserve Officers’ Training Course (ROTC) para sa mga mag-aaral sa Grade 11 at 12.

Sa totoo lang ay wala naman dapat problema ang panukalang ito sapagkat maganda naman ang layunin nina ­Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at VP Inday Sara Duterte na siya ring concurrent Education Secretary, kaugnay ng usaping ito.

Sa kanyang kauna-unahang State of the Nation ­Address, ipinaliwanag ni PBBM na kailangang maibalik ang ROTC dahil aniya ay mabisang paraan ito upang magkaroon ng ­kasanayan ang mga kabataan at maging handa sa mga hamong dulot ng nagbabagong mundo.

Kailangan din ito para malinang ang kanilang pagiging makabayan at matutong ­ipaglaban ang kanilang pagiging Pilipino at para maging maalam at handa rin sila sa mga dapat gawin sa panahon ng mga sakuna at emergency.

Isa naman sa mga ­dahilan ni VP Inday ay mainam na paraan ang ROTC para muling maibalik ang values o kagandahang-asal sa panig ng mga kabataan tulad ng ­pagiging magalang at marespeto sa mga nakatatanda at masunurin sa mga magulang.

Solidong dahilan din iyon sapagkat sa panahong ito na labis na naimpluwensyahan ng mga banyagang pag-uugali ang ating mga kabataan, ay dapat lamang maibalik ang ating mga nakagisnang mabuting asal at paniniwala.

Nalunod na kasi sa ­high-tech na mga gadget at gamit ang ating mga kabataan na pawang galing sa mga ­banyaga, kaya nakalimutan na nila na mga Pilipino pala sila.

Kaya naman dapat lang ­talagang maibalik ang ROTC dahil ito ang magiging daan upang maibalik ang ­pagiging totoong maka-Pilipino at ­makabayan ng susunod na henerasyon ng ating mga kabataan.

Hindi na dapat pang bigyan ng pansin ang mga grupong kontra sa panukalang ito sapagkat wala naman silang ibang intensyon kundi bilugin ang isipan ng mga kabataan sa mga ideyolohiyang labag sa nakagisnan natin bilang mga Pinoy.

Puro kasinungalingan lang ang kanilang mga argumento na ang ROTC ay magreresulta lang sa dagdag na pahirap sa mga mag-aaral o ‘di kaya ay magdudulot lang ng karahasan at korapsyon.

Lumang tugtugin na ang mga argumentong ito na pawang mga kasinungalingan lang naman kaya huwag na lang itong intindihin nina PBBM at Inday Sara.

Ang mga kalaban lang ng pamahalaang Marcos ang ayaw sa ROTC dahil alam nilang hindi na nila maloloko ang mga kabataan sakaling matuloy itong ipatupad muli at ituro sa mga paaralan.

170

Related posts

Leave a Comment