3 CHOPPERS NAG-EMERGENCY LANDING SA QUEZON

QUEZON – Tatlong helicopter, kabilang ang dalawang PNP choppers, ang nag-emergency landing sa lalawigang ito, dahil sa masamang lagay ng panahon noong Biyernes.

Sa report ng Quezon Police Provincial Office, dalawang PNP Airbus helicopter na galing Catarman, Samar patungong Maynila, ang nag-emergency landing sa isang resort sa bayan ng Pagbilao dakong alas-2:30 ng hapon.

Ligtas namang lahat ang limang sakay ng chopper kabilang ang dalawang sibilyan at maging ang mga piloto na sina P/Maj. Leah Mary Amoguis, at PMSG Regie Charias.

Umalis ang mga ito sa Catarman dakong alas-10:30 ng umaga subalit pagdating sa tapat ng Quezon ay nakaranas ang mga piloto ng poor visibility kaya napilitang ibaba muna ang mga chopper.

Una rito, dakong alas-8:00 ng umaga nang mag-emergency landing din ang isang private chopper na may sakay na dalawa katao sa baybaying dagat ng Barangay Sabang sa bayan ng Tagkawayan.

Galing Legazpi City ang RP-C8500 Robinson Helicopter Company R44 II sakay ang piloto nito na si Louie Leonardo Ibarra at flight mechanic na si James Lloyd Jardin, nang makaranas din ang mga ito ng poor visibility dahil sa malalakas na pag-ulan sa bahagi ng Quezon. Ligtas din ang dalawang sakay nito.

Noong Biyernes ay nakaranas ng halos maghapong pag-ulan sa Quezon province dahil sa low pressure area na dumaan malapit sa lalawigan. (NILOU DEL CARMEN)

212

Related posts

Leave a Comment