Ni JOEL O. AMONGO
TALIWAS sa unang pahayag ng bagong liderato ng Bureau of Customs (BOC), mukhang mapapaaga ang balasahan sa naturang kawanihan.
Sa ilalim ng pamumuno ni Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, pihadong masasampolan agad ang tatlong district collectors. Dangan naman kasi, sablay base sa inilabas na datos ng BOC Financial Service Office.
Sa naturang datos, 14 lang sa 17 distritong pinangangasiwaan ng kawanihan ang nakahagip sa itinakdang target collection. At ang tatlong distrito – Aparri, Legaspi at Surigao, mistulang nilangaw.
Bigla kong naalala ang binigkas ni Ruiz sa kanyang unang pulong balitaan kasama ang mga kapatid sa peryodismo. Aniya — “I may be friendly, but I will be firm. I will be strict, but I will be fair… when doing your job, always ask yourselves — is this for the best of the Filipino people? Just do your job properly and sincerely, wala tayo problema. I got your back.”
Kung susuriin ang kanyang maikling pahayag, malinaw ang kanyang mensahe. Yung lang mga karapat-dapat sa panuntunan niya ang mananatili sa pwesto.
Sa datos ng BOC Financial Service, nakapagtala lamang ng P80.56 milyon ang Port of Aparri – malayo sa July target na P99.82M. Sablay rin ang Port of Legazpi na may actual collection na P22.82M kumpara sa kanilang target na P28.03M at Port of Surigao na may actual collection na P810,000 kumpara sa kanilang target na P1.70 milyon.
Anyare? Kung tutuusin masyadong maliit ang kanilang collection target.
Wagi naman ang 14 na district collection offices kabilang ang tatlo sa national capital region – ang Port of Manila na nakapagtala ng P7.776 bilyon ganansya kumpara sa kanilang target na P5.669B, Port of NAIA na nakapagsampa ng P3.552B kumpara sa target na P2.356B at Manila International Container Port (MICP) na may actual collection na P18.891B.
Pasok rin ang apat sa limang collection districts mula sa Northern Luzon na kinabibilangan ng Port of Subic na may actual collection P5.428B kumpara sa P3.782B July target, Port of Limay na may actual collection P11.895B kumpara sa target na P10.022B, Port of Clark na may actual collection na P326.65 milyon kumpara sa target na P258M at Port of San Fernando na may actual collection na P1.618B kumpara sa target na P805.83M.
Nakapagtala rin ng labis pa sa target na P14.855B ang Port of Batangas na may actual collection na P18.129B. Positibo rin ang ipinamalas na husay ng tatlong BOC district collection offices sa Visayas, kabilang ang Port of Cebu na may actual collection na P4.376B kumpara sa target na P3.309B, Port of Iloilo na may
actual collection na P478.22M kumpara sa target na P238M at Port of Tacloban na may actual collection na P810.24M kumpara sa target na P385.14M.
Swak din sa mata ni Acting Customs Commissioner ang tatlong distrito sa Mindanao, kabilang ang Port of Zamboanga na may actual collection na P1.491B kumpara sa target na P957.24M, Port of Davao na may actual collection na P4.549B kumpara sa kanilang target na P3.353B at Port of Cagayan de Oro na may actual collection na P3.420B kumpara sa kanilang target na P2.907B.
Ang totoo, wala sa kamay ni Ruiz ang pagtatakda ng buwanang target ng mga distrito. Sa panuntunan ng Department of Finance (DOF) na siyang nangangasiwa sa BOC, ibinabatay sa dami ng taunang pagpasok at paglabas ng kargamento ang pagtataya ng monthly collection target.
Hindi oobligahin ng DOF na lumikom ng isang bilyon ang isang distrito tulad ng Aparri, Legaspi at Surigao. Nakabatay ang pagkukwenta ng inaasahang ganansya at kakayahan ng bawat distrito.
Balikan natin ang pahayag ni Ruiz matapos ang pormal na pag-upo sa pwesto. Aniya, may direktiba sa kanya ang Pangulo – kabilang ang masigasig na koleksyon ng buwis at taripang kalakip ng mga binabatayang pagpasok at paglabas ng mga kargamento.
Giit ng Pangulo, kailangan ng gobyerno ang pondong pangtustus sa mga programa at proyekto para sa mga tao.
Ang masaklap partikular na tinukoy ng Pangulo ang BOC na isa sa mga inaasahan niyang ahensyang magbibigay daan para sa katuparan ng mga programa ng pamahalaan.
Hindi nanaisin ni Ruiz na mapahiya sa Pangulo. Hindi rin siya kumportableng mag-alaga ng walang silbi sa pinamumunuang kawanihan.
Kaya naman kung ako sa mga district collectors, taympers muna ang diskarteng pilipit niyo kung ayaw niyong sumunod sa unang bugso ng mga sisibakin sa pwesto.
