NAGSISIMULA nang umalingasaw ang mabahong amoy sa ground zero na hinihinalang mula sa mga naaagnas nang bangkay ng mga construction worker na naipit sa gumuhong siyam na palapag na gusali sa Teodoro Street, Balibago, Angeles City.
Ito’y matapos marekober ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ika-anim na biktima nitong Biyernes ng madaling araw na nasa decomposition stage na.
Dahil dito, umakyat na sa anim ang kumpirmadong nasawi habang 15 iba pa ang patuloy na nawawala.
Kinilala ni Angeles City Information Officer Jay Pelayo ang ika-anim na nasawi na si Roberto Sabile, ama ng ika-limang biktimang si Christian Sabile na natagpuan ng K9 rescue unit ng Philippine Coast Guard kamakalawa.
Ayon kay Pelayo, natagpuan ang bangkay ni Roberto Sabile bandang alas-12:40 ng madaling araw noong Biyernes.
Kabilang pa sa mga unang nakilalang biktima sina Mohd Rezal Abdullah na isang Malaysian, Mark Laurence Capungay, Porferio Alikaway, Christian Sabile at isa pang hindi pa nakikilalang lalaki.
Patuloy naman ang search, rescue, retrieval at clearing operations sa lugar habang nakikipag-ugnayan na rin umano ang mga kinatawan ng may-ari at kontratista ng gusali sa lokal na pamahalaan ng Angeles City.
Hinimok ni Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang may-ari at kontratista na makipagtulungan sa imbestigasyon kaugnay ng trahedya.
Kinilala ang may-ari ng gusali na si Ernest Jackson Lim habang ang kontratista naman ay si Joel Young na umano’y konektado sa Golden Years Construction and Steel Works.
Ayon kay Lazatin, nagpahayag na ng kahandaang makipagtulungan ang mga ito sa imbestigasyon at pagbibigay ng mga kinakailangang dokumento, permit at ulat kaugnay ng insidente.
Dagdag pa ng alkalde, nasa Japan umano ang may-ari ng gusali kaya natagalan bago ito nakipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Tiniyak din ni Lazatin na magiging transparent ang imbestigasyon upang mapanagot ang sinumang responsable sa pagbagsak ng gusali.
(ELOISA SILVERIO)
90 